MULA sa Sacramento, California, kung saan siya kasalukuyang naninirahan kasama ang kanyang pamilya, at kung saan siya itinalaga kamakailan lamang bilang player development coach ng Kings ng NBA, si dating Gilas Pilipinas star Jimmy Alapag ay nagpaabot ng ‘best wishes’ sa Philippine team nitong Biyernes, ilang minuto bago ang debut nito sa FIBA Basketball World Cup laban sa Dominican Republic sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
“All my prayers and well wishes for the Gilas team,” wika ni Alapag via FB Messenger.
“Wish I could be there in person too.”
Si Alapag ay isa sanang malaking karagdagan sa Nationals sa kanilang kampanya na makakuha ng ticket sa 2024 Paris Olympics sa pagiging highest Asian finisher sa World Cup.
Tutal naman, ang kanyang ipinamalas sa 2014 FIBA World Cup sa Seville, Spain – kung saan may average siya na 9.2 points, 1.4 rebounds, at 3.2 assists – ay legendary at bahagi ngayon ng Philippine basketball history.
Gumawa siya ng 14 points sa Group Phase laban kay Luis Scola at sa Argentina, kung saan natalo ang Pilipinas. 85-81, at nireserba ang kanyang lakas para sa Senegal at kay Gorgui Dieng, isang 18-point blast upang tulungan ang Nationals na maitakas ang makapigil-hiningang 81-79 overtime victory para sa unang panalo ng bansa sa World Cup sa loob ng apat na dekada.
Bagama’t ang 2023-2024 NBA season ay magsisimula sa Oktubre, ang 2011 PBA MVP ay nagpaplano nang umuwi sa Pilipinas sa susunod na taon.
“Hoping to come back and visit after the NBA season,” aniya. “Maybe do a camp while I’m there as well.”
“Please send my regards to everyone in the PBA,” dagdag pa niya.