MAKATI CITY – ISANG participant ng reality game show ang nahaharap sa kasong alarm and scandal at resistance and disobedience to a person in authority matapos na ito ay masangkot sa isang rambulan kahapon ng madaling araw sa lungsod.
Kinilala ni PMajor Gideon Ines, Deputy Chief for Investigation ng Makati City Police, ang nadakip na aktor na si Karlos Lorenzo Gutierrez, 22, dating housemate sa Pinoy Big Brother (PBB) at naninirahan sa Brgy. South Triangle, Quezon City.
Sa report ni Ines, dakong ala-1:20 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Pasong Tamo Ext., Barangay Magallanes.
Isang Sweenie Gorrecita, security guard, ang nag-ulat sa Police Community Precinct (PCP) 4 ng Makati City Police Station sa rambulan sa nasabing lugar na umano’y kinasasangkutan ng dating housemate sa “Bahay ni Kuya”.
Agad naman nagresponde ang mga miyembro ng PCP 4 sa pangunguna ni Police Staff Sgt. Allan Agbayani at Police Corporal Jhonatan De Guzman Jr, sa nasabing lugar.
Sa pagresponde ay sinabihan pa ng PBB contestant si Agbayani na “Sino ka? Ipapatanggal kita sa serbisyo kilala mo ba kami?”
Dahil sa naturang insidente ay agad na dinala nang mga pulis si Gutierrez nasabing himpilan ng pulisya na kung saan umanoy patuloy pa rin itong nagwawala. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.