Umaabot na sa 182 na alagang baboy ang kinatay sa bayan ng Valencia, West Balabag sa Negros Oriental nitong nakaraang linggo dahil sa kaso ng African Swine Fever (ASF).
Kinumpirma ni Alejandro Rafal Jr., provincial officer ng Department of Agriculture (DA) – Negros Oriental, ang pagtaas ng impeksiyon sa bayan ng Valencia.
Sa ngayon ang mga naiulat na kaso ng ASF cases ay nananatili lamang sa nabanggit na lugar sa West Balabag. Isinailalim na sa “culling” ang 182 na alagang baboy na infected ng naturang sakit upang maiwasan ang pagkalat nito.
Nangangamba ang mga lokal na opisyal na kung hindi maagapan ay posibleng magdulot ng malaking pinsala sa hog raising industry sa Negros Oriental at Negros Occidental.
Sa datos ng mga veterinary offices ng mga naturang lalawigan, umaabot sa kalahating milyon ang mga baboy na inaalagaan dito, 300,000 mula sa Negros Occidental, samantalang 255,513 naman ang mula sa Negros Oriental.
Nangako naman si Negros Oriental Governor Manuel Sagarbarria na ang provincial government at ang mga opisyal ng agrikultura ay magsasagawa ng mas mahigpit na hakbang laban sa pagkalat ng ASF sa mga alagang baboy sa dalawang lalawigan. Kumalat din ang ASF sa Negros Oriental ng nakaraang taon na may kasabay pang kaso ng hog cholera.
Ayon kay Sagarbarria, ang Negros Oriental ay malapit nang ilagay ng Department of Agriculture (DA) sa green zone na magsasaad na ASF-free na sana ang lugar.
Samantala, sinabi naman ni Rafal na kumuha na ng blood samples sa mga alagang baboy na nasa 1,500 meter radius sa West Balabag para sa assessment ng sitwasyon.
Naipadala na ang samples na ito sa Bureau of Animal Industry (BAI) sa Manila para sa confirmatory tests.
Samantala, nag-setup na rin ng checkpoints ang lokal na pamahalaan sa Negros Occidental upang mapigilan ang pagpasok ng mga infected na baboy mula sa karatig na lalawigan.