ALAS CIGNAL PLAY-PBAPC PLAYER OF THE WEEK

NALUSUTAN ng NLEX ang unang dalawang harang sa daan para sa maagang liderato sa PBA Governors’ Cup, sa pangunguna ni Kevin Alas.

Si Alas ay nagsilbing much-needed endgame ace ng Road Warriors sa kanilang panalo laban sa  San Miguel at Northport para sa 2-0 record sa unang import-spiced conference ng liga sa gitna ng pandemya.

Nagtala ang NLEX captain ng average na 16.5 points, 6.0 assists, at 4.0 rebounds sa dalawang malaking panalo ng koponan na nagbigay sa kanya ng unang Cignal Play–PBA Press Corps Player of the Week citation ngayong conference para sa period na Dec. 8-12.

Kontra Beermen, kumana si Alas ng 12 points, 8 assists, at 4 rebounds sa 114-102 panalo sa opener sa Ynares Sports Arena in Pasig City.

Nagbuhos naman ang 30-year-old guard mula sa Letran ng  21 markers, 4 rebounds, at 4 assists pagkalipas ng dalawang araw nang maungusan ng NLEX ang NorthPort sa overtime, 120-115.

Kabilang sa kabayanihan ni Alas ang tatlong krusyal na  free throws sa huling  1.2 segundo ng regulasyon na nagtabla sa laro sa 102, at ang pares ng game-preserving freebies sa extra time.

“Si God na lahat ‘yun. Kasi nung nandun ako, pressure na yung nararamdaman ko, e. Pero hindi ko na iniisip ano ‘yung nangyari. Nagdadasal na lang ako doon,” sabi ni Alas.

Tinalo ni Alas sina Chris Banchero at Matthew Wright ng Phoenix Super LPG, na nagtala rin ng 2-0 sa opening week ng liga kasunod ng mga panalo kontra Terrafirma at Blackwater.

Kinonsidera rin sina Jeron Teng at Robbie Herndon ng Alaska (2-1) para sa weekly award na ipinagkakaloob ng mga nagko-cover ng PBA beat.