ALAS PILIPINAS BIGO SA KAZAKHSTAN

YUMUKO ang Alas Pilipinas sa Kazakhstan, 23-25, 21-25, 14-25, sa semifinal round ng 2024 AVC Challenge Cup kagabi sa Rizal Memorial Coliseum.

Sa pagkatalo ay nagkasya ang Pilipinas sa bronze medal match laban sa Australia, na nabigo sa Nguyen Thi Bich Tuyen-led Vietnam, 21-25, 19-25, 16-25, ngayong Miyerkoles.

Ang Pilipinas sa kasalukuyan ay may 31-year gold medal drought sa international volleyball competitions magmula nang magwagi  sa women’s tilt sa 1993 Southeast Asian Games sa Singapore.

Nalusutan ng Vietnamese ang mabagal na simula upang biguin ang Volleyroos sa pagtala ng reversal sa semifinal.

“The first set Vietnam had a slow start and took a while to get to the swing of things and we’re fortunate to get a win in the match,” sabi ni Nguyen Thi Bich Tuyen sa pamamagitan ng isang interpreter.

Nagbuhos si Tuyen ng 24 points upang pangunahan ang kanyang koponan sa scoring sa lahat ng sets, tampok ang 3 service aces.

Nag-ambag si Tran Tu Linh ng 13 points, kabilang ang 3 service aces, kung saan gumawa ang Southeast Asian side ng 10 errors lamang sa one-hour, 23-minute contest.

Posibleng hindi maglaro si Tran Thi Thanh Thuy sa gold medal match ngayong alas-7 ng gabi sa parehong Malate venue.

“Sorry to disappoint the Filipino fans here,” wika ni team manager Le Than Minh Chau.   “Chance is very slim. She’s still recovering from an injury so I would say very slim chance.”

Nanguna si  Caitlin Tipping, ang leading scorer sa pool stage, para sa Australia na may 20 points, kabilang ang 4  blocks.

Sasalang ang Volleyroos sa  bronze medal ngayong alas-4 ng hapon.

Sa classification round, umiskor si Aytak Salamat ng 26 points upang tulungan ang Iran sa 26-24, 26-24, 19-25, 25-19 panalo kontra Hong Kong.

Ang panalo ay nagbigay sa Iran ng karapatan na maglaro para sa best possible finish sa fifth place laban sa  India, 25-16, 30-32, 25-20, 27-25 winner kontra Indonesia.

Ang Hong Kong at  Indonesia ay maghaharap para sa seventh at eight spots.

CLYDE MARIANO