ALAS PILIPINAS GINIBA ANG INDIA

SINANDIGAN ni Angel Canino ang Alas Pilipinas sa 22-25, 25-21, 25-17, 25-18 panalo laban sa dating walang talong India upanc manatiling walang dungis sa 2024 AVC Challenge Cup for Women nitong Biyernes sa Rizal Memorial Coliseum.

 Sa simula pa lamang ay mainit na ang national team debutant, nagbuhos ng 6 points sa opening set at binigyan pa ang koponan ng 21-20 kalamangan. Subalit dahil sa lapses ng mga Pinay nagawang magpakawala ng India ng 5-1 closing run upang kunin ang first set, 22-25.

Sa mga sumunod na sets ay bumawi si Canino at ang iba pa sa koponan upang mapanatili ang kanilang malinis na marka sa 2-0 makaraang gapiin din ang Australia noong Huwebes ng gabi.

Nahulog ang India, na winalis ang Iran at Chinese Taipei sa kanilang unang dalawang laro sa 2-1 sa Pool A.

Susunod na makakaharap ng  host Philippines ang Iran ngayong Sabado, alas-7 ng gabi.

Samantala,  pinataob ng Vietnam ang matangkad na Kazakhstan squad sa apat na sets, 25-14, 25-19, 14-25, 25-23, upang manatiling walang talo.

Nakakolekta si opposite spiker Nguyen Thi Bich Tuyen  ng 30 points—26 sa attacks, 3 blocks at 1 service ace — upang tulungan ang Vietnamese na manguna sa Pool B na may 3-0 kartada.

Sinimulan ng Vietnamese ang kanilang kampanya sa pagbasura sa Singapore, 25-8, 29-27, 25-10, at Hong Kong, 25-13, 25-17, 25-16, sa torneo na inorganisa ng Philippine National Vollyball Federation na pinamumunuan ni Ramon “Tats” Suzara.

“We really didn’t have a game against Kazakhstan for a long time, like six years,” wika ni team captain Tranh Thi Thanh Thuy.

“This time, they are really tall and strong, so they are a little bit intimidating.”

“But our team did pretty well today. I’m very proud,” dagdag pa niya.

Magtatangka ang Vietnamese sa sweep sa Pool B laban sa Indonesia sa Linggo, alas-10 ng umaga.

“With all the players we have now, we are confident to take the championship because now we have a good connection,” sabi ni Thuy.

Ginapi ng Iran ang Chinese-Taipei, 24-26, 25-20, 25-18, 28-26, upang umangat sa go 1-1 sa Pool A at bumawi mula sa 17-25, 23-25, 21-25 pagkatalo sa India sa opening day.

Nagtala si Aytak Salamat ng 23 points, 22 sa attacks, at bumanat si Shadehsari Poorsaleh ng 18 kills para sa Iran.

“It was necessary to keep calm,” sabi ni skipper Dorsa Fallahkordkhel. “We don’t have enough experience last time but now that we’re in our second match, so we watched their movements and we listened to all that coach.”

“Most in our team are young. We develop our experience every match so that we can improve also. We believe in ourselves, and we try to be better every game,” dagdag pa niya.

Nalasap ng Chinese-Taipei ang ikatlong sunod na kabiguan upang manatiling winless.

CLYDE MARIANO