LEGAZPI CITY – Itutulak ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ang kanyang higit na mabisang “Albay 2.0 development plan” na nagla-layong lalong palawakin ang kakayahan at kaalaman ng mga Albayano, bawasan ang kahirapan at burahin ang gutom at malnutrisyon.
Walang kalaban sa kanyang reeleksiyon, sinabi ni Salceda na ibayong palalakasin ang mga mahalagang institusyon at higit na malaking pamumuhunan sa mga tao at impraestraktura na lalong aakit ng mamumuhunan sa patas na kapaligiran at kompetisyon sa negosyo.
“Ang tunay na kandidato rito ay ang ‘Albay 2.0 development plan’ na kinakatawan ko lang. Ang higit na mahalagang layunin ay ang pangkalahatang kabutihan sa pamamagitan ng pagpapalago sa sa edukadong “middle class,” pagbawas sa kahirapan, pagbura sa gutom at malnutrisyon,” pahayag niya.
Itinutulak ni Salceda ang ilang mahahalagang proyekto na ayon sa kanya ay magdudulot ng ibayong mga kapakinabangan, hindi lamang sa distrito at lalawigan niya, kundi sa buong Bikol na rin. Kasama rito ang pagpapataas ng antas ng Bicol Training and Teaching Hospital na tinanggap na ang laang P592 milyon para mabuo na ang 600-bed capacity nito at ang pagbubukas ng Bicol Cancer Institute na magkakaroon ng Liner Accelerator at Magnetic Resonance Imaging facility na may laang P1.9 bilyon.
Kasama rin sa mga proyekto ang pagkakaroon ng mga kagamitan sa ‘innovation, research and technology’ ng Bicol University; ang pagtapos at pagbukas ng Bicol International Airport sa 2020; pagtapos ng P151-bilyong Philippine National Railways Southline na may habang 581 kilometro mula Manila hanggang Matnog, Sorsogon; Guicadale Economic Township, Batan Island Circumferential Road, at ang Albay-Sorsogon Spatial Economic Integration project.
Mahahalaga ang mga batas na nilikha ni Salceda sa nakaraang dalawa’t kalahating taon. Kabilang dito ang RA 10931, ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Free College Law; RA 11035 o Balik Scientist Act, at RA 10963 o TRAIN Law. Siya rin ang pangunahing awtor ng House Bill 8165 na nagla-layong lumikha ng Department of Disaster Resilience, at HB 5828 na aamyenda sa Public Service Act para tuldukan ang monopolya ng malaking negosyo sa bansa. Co-author din siya ng RA10928 na nagpalawig sa bisa ng Philippine passports sa 10 taon.
May pito siyang iba pang panukalang batas na malapit na ring pumasa — ang Valuation Reform Bill, Collective Investments bill, PPP Modernization bill, Independent NEDA bill, Philippine National Performing Arts Companies bill at Carmageddon bill.
Matagumpay niyang naisulong sa Kamara ang P3.757-trilyon 2019 General Appropriations Act. Kasalukuyan siyang “focal person” ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa mga usaping pipigil sa patuloy na “inflation,”chairman ng mga komite at chairman ng lima pang iba’t ibang technical working groups ng Kamara.
Comments are closed.