KINUMPIRMA ni Albay Governor Edcel ‘Grex’ Lagman sa kanyang Facebook post na nakatanggap siya ng preventive suspension order mula sa Ombudsman ngayong araw, Oktubre 18.
Si Vice Governor Glenda Ong-Bongao ang hahalili muna bilang acting governor ng lalawigan.
“Magandang umaga sa inyong lahat, mga mahal kong department heads, assistant department heads at mga pinuno ng opisina. Ang inaasahan kong kaganapan ay nangyari na. Natanggap ko na ang preventive suspension order ko mula sa Ombudsman ngayong araw. Dahil dito, si VG Glenda ang kailangang mag-assume bilang Acting Governor sa lalong madaling panahon. Ang lahat ng mabuting gawain na inyong ginagawa ay hindi maaapektuhan dahil personal lamang sa akin ito” ayon kay Lagman.
Aniya, makikipagpulong siya kay VG Ong-Bongao sa lalong madaling panahon para masiguradong ito ay mabibigyan ng tamang briefing.
Idinagdag pa nito na ipaglalaban niya ang legal na aspeto sa desisyon ng ombudsman bilang abogado.
Binatikos din ng gobernador ang mga nasa likod ng kanyang suspensyon.
“Tinitiyak ko sa inyo na hindi ako magpapasindak sa mga nasa kapangyarihan (alam kong alam n’yo na kung sino ang mga ito). Talagang “perfect timing” ang mga gahaman. Ganyan talaga ang mga insecure at makapangyarihang ang tingin sa Albay ay “kanilang kaldero”; isang probinsiyang pagkakakitaan ng pera at lahat ng Albayano ay kaya nilang bilhin. Kung magagawa nila ito sa isang gobernador, magagawa nila ito sa maliliit na tao. Ganyan sila kasama at kakapal ang mukha.”
Magugunitang isang self-confessed jueteng bagman ang nagsampa ng 35-pahinang reklamo na isinumite sa Office of the Ombudsman noong Pebrero 13 sa opisyal na inaakusahan ng pagtanggap ng hanggang P8 milyon na suhol mula sa mga operator ng ilegal na pasugalan o jueteng noong siya ay bise gobernador pa ng lalawigan.
RUBEN FUENTES