SUPORTADO ng mayors ng Albay ang malawakang panawagan na rebisahin ang ilang 1987 Constitution o Saligang Batas sa pamamaraang ‘People’s Initiative’ o kusang pagkilos ng mga mamamayan.
Ayon kay Polangui Mayor Raymond Adrian E. Salceda, pangulo ng Albay Chapter ng ‘League of Municipalities of the Philippines (LMP),’ karamihan sa mga Punong Bayan ng Albay ang nagpahayag ng kanilang suporta sa kampanyang pagpapapirma ng mga mamamayan bilang pagkatig sa naturang inisyatbo na ginaganap ngayon.
Ginawa ni Salceda ang pahayag pagkatapos ng pulong ng kanilang LMP Albay chapter nitong nakaraang ika-8 ng Enero. Ang ‘People’s Initiative’ ay isa sa tatlong pamamaraan tungo sa pagbabago ng Saligang Batas. Ang dalawang iba pa ay ang ‘Constituent Assembly’ at ‘Constitutional Convention,’
“Ang ‘People’s Initiative’ ay isang pagkilos ng mga Pilipino upang aktibong makisali sa pagbalangkas ng mga batas at panuntunan sa pangangasiwa ng bansa. Bilang mga lokal na opisyal ng pamahalaan, alam namin ang malimit pagkakabuho-buhol sa pagbalangkas ng batas na dahilan ng mabagal na pagsulong ng ating bansa. Ang ‘People’s Initiative’ ay mahalagang pagkakataon para matugunan ang naturang problema at matiyak na ang loobin nating mga mamamayan ay masasalamin sa ating Saligang Batas,” paliwanag ni Salceda.
“Nangako kaming tutulong sa pagpapalagda ng ating mga mamamayan tungo sa mga pagbabago sa sobrang hindi makatwirang mga probisyon sa ating Saligang Batas upang mapabilis ang pagsulong ng ating bansa, lalo na matapos namin itong maitayak mula sa mga eksperto,” diin ng Punong Bayan.
“Batay sa papel naming ginagampanan, bilang mga Punong Bayan, likas kaming kaugnay sa araw-araw na pamumuhay at mga pangarap ng aming mga nasasakupan. Kaugnay kami sa pag-unawa sa kanilang mga pangangailangan, mga hamon, at mga hangarin. Dahil nga dito kaya nagpasiya kaming aktibong suportahan ang
‘People’s Initiative’ tungo sa Cha-cha na bahagi ng mga pagbabago sa ating lipunan,” dagdag na paliwanag ni Salceda na anak ni Albay 2nd District Rep, Joey Sarte Salceda.
“Ang aming nagkakaisang suporta sa inisyatibong ito ay batay din sa paniniwala namin sa likas na kapangyarihan ng mga mamamayan at kahalagahan ng kanilang karapatan, hindi lamang sa pagrebisa sa Saligang Batas, kundi na rin sa pagbibigay hugis sa mga panbansang desisyon at kapasiyahan. Sa pamamagitan nito, nabibigyang diin din ang sinumpaan naming tungkulin na maging bahagi ng mga pagkilos tungo sa pagkakaroon ng wastong pamamahala na tutugon sa sadyang pangangailangan ng mga mamamayan,” pahabol niyang dagdag.
Tiniyak din niyang susuportahan nila ang kampanya at pagkilos ng mga lider ng iba’t-ibang samahang pribado na silang nangunguna sa kampanya tungo sa Cha-cha. Ang naurang pagkilos ay tugon sa sinabi ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kamakailan na “muli nilang bubuhayin ang panukalang mga pagbabagong kailangan sa Saligang Batas, lalo na sa mga probisiyong pang-ekonomiya nito na lubhang nakakasakal” sa ngayon.