ALBAY SANGGUNIANG PANLALAWIGAN TODO SUPORTA SA CREATE BILL

Sangguniang Panlalawigan ng Albay

TODO SUPORTA at isinusulong ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay na aprubahan na ng Kongreso ang ‘lCorporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, dahil ito’y tiyak na magbibigay pakinabang sa maraming maliliit na industriya sa mga rehiyon at lalawigan gaya ng Albay.

Sa Albay SP Resolution No. 549 na ipinasa nito noong ika-18 ng Agosto, sinabi nitong sadyang makakatulong ang “income tax holidays na ibibigay ng CREATE sa mga industriyang nasa lalawigan o lilipat sa lalawigan mula sa Kamaynilaan. Sinabi rin nito na naniniwala silang isa ang Albay sa lilipatan ng mga naturang mga industriya.

Binalangkas ni Senior SP Member Jesus Salceda at nilagdaan din ng ng lahat ng SP kagawad, ipinadala nilang ang naturang ‘Resolution’ kina Senate President Vicente Sotto III, House Speaker Alan Peter Cayetano, at Finance Secretary Carlos Dominguez. Isa ang CREATE bill sa mga prayoridad na binanggit ni Pangulong Duterte sa huli niyang State of the Nation Address (SONA).

Tinukoy rin ng resolution ang pagbibigay ng mga insentibo ng CREATE sa paggamit sa mga lokal na materyal ng mga industriya na magkakaroon ng karagdagang 50% ‘enhanced deduction for domestic input expense’ na magpapalago lalo sa agrikultura at maliliit  o small businesses.

Malago ang handicraft industry ng Albay na gumagamit sa produktong abaka nito na sangkap sa iba’t-ibang mga likha sa lalawigan gaya ng tela. bag. ‘furniture’ at maraming iba pa. Inaasahan na ang Legazpi City, na kabisera ng lalawigan ay magiging susunod na sentro ng ‘business process outsourcing (BPO) industry.’ Kapwa prayoridad ang dalawang ito sa ilalim ng CREATE.

Binigyang diin ng ‘resolution’ na “magbubunga ng maraming pakinabang ang CREATE dahil kaagad babawasan nito ng 5% ang ‘corporate income tax’ (CIT) na babawasan pa ng 1% taon-taon mula 2023 hanggang maging 20% na lamang ito sa 2027.

Ang CREATE ay bagong bersiyon ng ‘Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act’ (CITIRA) na una nang ipinasa ng Kamara. Si Albay Rep. Joey Sarte Salceda, na siya ring chairman ng House Committee on Ways and Means Committee, ang pangunahing nay-akda nito.

Masusing binalangkas ni Salceda, na isa ring ekonomista,  ang buod ng mga ‘tax incentives reform provisions’ ng CREATE batay sa dati niyang panukalang ‘Subsidy Council Act’ nang una siyang mahalal sa Kamara noon pang 1998.

Kamakailan sinabi ng ekonomistang mambabatas na handang tanggapin ng Kamara ang bersiyon ng CREATE ng Senado upang maresolba na ang mga isyung kaugnay nito at mapigil ang patuloy na pagbulusok ng ekonomiya dahil sa pandemya.

Pinuna niya na ang tila walang katapusang talakayan tungkol dito sa Senado ay “nagpapahaba din sa paghihirap” ng mga Pinoy. Tiniyak din niya na malawakan ang ginawa nilang konsultasyon sa iba’t-ibang sektor nang balangkasin nila ang panukalang batas.

Bukod sa pagbawas sa CIT, binibigyan din ng CREATE ang Ehekutibo na magbigay pa ng ibang “bonus incentives” sa tinatawag niyang mga “dambuhalang mamumuhunan” na malaki ang potensiyal ng maglikha ng maraming trabaho at maglipat sa bansa ng mga teknolohiyang bago at kapaki-pakinabang.

Comments are closed.