DUDA si Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde na aktibo pa ang Sparrow Unit, ang kilabot na hit squad ng New People’s Army (NPA) na pumutok noong dekada 80.
Ito ay sa gitna na rin ng plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbubuo siya ng death squad para tapatan ang nasabing grupo at mabigyang proteksiyon ang mga tauhan ng pamahalaan.
Ayon sa PNP chief, sa kasalukuyan ay wala silang namo-monitor na pagkilos ng nasabing grupo.
Sinasabing posibleng ang nag-udyok kay Pangulong Duterte na magbuo ng grupo ay bunsod ng ilang pag-atake ng rebeldeng grupo laban sa puwersa ng pamahalaan.
Tinukoy ng PNP chief ang Sagay massacre na iniuugnay sa NPA maging ang pananambang sa mga sundalo sa Bicol at ang pag-atake sa police station sa Samar.
Kaugnay nito ay nilinaw ni Albayalde na wala pa naman siyang natatanggap na direktiba sa bubuuing death squad.
Sa nasabing planong pagbuo ng Duterte Death Squad ay agad na naalarma ang mga kritiko ng pamahalaan na posibleng maabuso ito o kaya ay magaya lamang sa madugong kampanya ng administrasyon laban sa ilegal na droga.
Una ng inihayag ng Defense Department na dapat ay mga sundalo at pulis na may sapat na kasanayan sakaling bumuo ng pantapat sa NPA hit squad upang may mga maaring papanagutin sa anumang pagkakamali. VERLIN RUIZ
Comments are closed.