CAMP CRAME – HINDI sumuko si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Oscar Albayalde sa panawagang magbitiw na ito sa puwesto bunsod ng pagkakakaladkad sa kanyang pangalan sa operation ng ninja cops sa umano’y drug recycling kaya siya bumaba sa puwesto ng mas maaga.
Pinaaga ng sampung araw ang petsa ng retirement ni Albayalde subalit hindi umano ito nangangahulugan na sumuko siya sa laban, ayon sa heneral.
Kinumpirma na ni Albayalde na bababa siya ng mahigit isang linggo bago ang kanyang mandatory retirement age na 56 subalit mananatili ang kanyang rank hanggang maging epektibo ang kanyang retirement sa Nobyembre 8, 2019.
Itinakda ni Pangulong Rodrigo Duterte ang turn-over ceremonies ng bagong PNP chief sa Oktubre 29.
Isa rin sa mga dahilan ay ang planong pagtungo ni Duterte sa Bangkok,Thailand para sa ASEAN Summit.
Iginiit ni Gen. Albayalde na hindi konektado sa isyu ng ninja cops ang napaagang pagbaba nito sa puwesto at nilinaw nitong hindi ito resignation.
Kaugnay nito, magsusumite si Department of the Interior Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kay Pangulong Duterte ng mga pangalan na pagpipilian na hahalili sa mababakanteng puwesto ni Albayalde.
Kabilang sa mga matunog na pangalan na posibleng humalili sa iiwanang puwesto ng PNP chief ay sina Lt. Gen. Archie Gamboa, Lt. Gen Camilo Cascolan, na pawang miyembro ng Philippine Military Academy Sinagtala Class of 1986 at Maj. Gen. Guillermo Eleazar na kasapi ng PMA Hinirang Class of 1987. VERLIN RUIZ
Comments are closed.