PUMALAG kahapon si Philippine National Police chief General Oscar Albayalde sa naging pahayag sa Senado ni Police Gen. Rudy Lacadin, dating deputy chief for operations ng Criminal Investigations and Detection Group (CIDG) sa Region 3.
Sinabi ni Albayalde na pinagtutulungan siyang sirain ng mga dating opisyal ng CIDG na dati ring pinamumunuan ni dating Gen. Benjamin Magalong.
Ayon kay Gen. Lacadin, sinabi umano sa kanya ni Albayalde noong ito ay dating Pampanga Provincial Police Office Director na: “Kaunti lang naman ang napunta sa akin dyan.”
Sa ika-siyam na pagdinig ng Senate committee on justice at blue ribbon, sinabi ni Lacadin na isang tawag umano ang kanyang natanggap mula kay Albayalde at tinanong niya kung totoo bang iniimbestigahan ang 13 tauhan ng Pampanga Police Office na sangkot sa drug raid sa Lakeshore Subdivision sa Mexico, Pampanga.
Sa naturang phone conversation, sinabi umano ni Albayalde na kaunti lamang ang napunta sa kanya sa nasabing raid.
“There was a time that during the investigation… he called me up. [He said] ‘Sir, parang naimbestigahan niyo raw kami,’” wika ni Lacadin sa Senate hearing.
“‘Yes Oca, I cannot inform you na nagko-conduct ako ng investigation, but if you have nothing to hide wala naman kayong dapat katakutan,’” tugon ni Lacadin kay Albayalde.
Gayunman, nilinaw ni Lacadin na hindi niya alam kung seryoso o nagbibiro lamang si Albayalde.
Sumagot naman aniya si Albayalde na “Actually sir konti lang naman ang napunta sa akin.”
Pinabulaanan naman ni Albayalde ang alegasyon ni Lacadin na kanyang senior official sa PNP noong mga panahong iyon.
“It seems that everybody is ganging up on me, I really don’t know,” saad pa ni Albayalde.
Samantala, inamin ni dating PNP Chief Alan Purisima na dati na siyang nakakatanggap ng mga impormasyon ukol sa drug recycling na gina-gawa ng mga pulis sa Pampanga, bago pa ang raid sa bahay ni Johnson Lee.
Ayon kay Purisima, marami na siyang nakalap na intel report laban sa grupo ni Maj. Rodney Baloyo, kaya niya ito pinaimbestigahan kay dating CIDG Chief Benjamin Magalong.
“I ordered probe on Albayalde’s men after receiving reports from intelligence sources,” wika ni Purisima.
Si Purisima ay dumalo sa Senado, matapos ipatawag ng justice committee na nag-iimbestiga sa isyu ng ninja cops. VICKY CERVALES
Comments are closed.