HINDI naitago ni Alden Richards ang kasiyahan nang purihin siya ni direk Cathy Garcia-Molina na siyang nagdirek ng movie nila ni Kathryn Bernardo under Star Cinema.
Sinabi kasi ni Direk Cathy na napakarami na niyang nakatrabahong actor na mababait at magagaling at isa nga raw rito si Alden.
Ayon pa kay Direk Cathy, nang sabihin daw sa kanya ang pangalan ni Alden para maging leading man ni Kathryn sa movie kanyang ididirek, nakita raw niya agad na mukhang marunong umarte si Alden kahit hindi pa niya alam kung paano ito magtrabaho that time at hindi pa rin niya ito napanonood.
“Sabi ko, `hmm, mataba lang, pero mukhang marunong umarte itong batang `to.` Nagkamali ako. Hindi siya marunong. Magaling siya. At napakabait na tao,” pahayag ni direk Cathy.
Sa sobrang touched ni Alden ay mangiyak-ngiyak itong lumapit at lumuhod na niyakap si Direk.
Nang makausap ng ilang press si Alden ay muli nitong sinabi na sobrang touched siya sa sinabi sa kanya ni Direk Cathy.
“Coming from Direk Cathy, sobra akong na-move, na-touch. Na parang hindi ko akalain na ganu’n ‘yung magiging effect ko kay Direk while doing this film, and siguro ganu’n naman talaga, you just be yourself and let other people speak for you,” say ni Alden.
Ipinagtapat din ni Alden na bago raw siya naging artista ay big fan siya ng mga Cathy Garcia-Molina films. Pinapanood niya ang mga movie na idinidirek nito at special mention nga niya ang One More Chance nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo.
“Parang ano po `to, eh, dream come true for me. Pinangarap ko po talaga na makaarte sa camera ni direk Cathy kasi fan po ako ng mga pelikula niya.”
Naikuwento rin ni Alden na noong 14 years old pa lang siya ay nakapasok siya sa bakuran ng ABS- CBN para mag-audition sa mga reality shows ng network.
“Pero ngayon, doing a project with Star Cinema and being here in ABS, medyo parang overwhelmed, parang naninibago. Siyempre, hindi ko po in-expect na magiging possible na ang isang GMA actor ay makakatapak sa ABS- CBN.
“And I`m really thankful for the opportunity given to me especially to GMA for letting me to do this film. Masaya po ako,” say ni Alden.
Kung nagkataon pala na nakapasa siya sa mga audition na sinalihan niyang reality show sa bakuran ng ABS-CBN ay isa siyang Kapamilya at hindi isang Kapuso.
MEGAN YOUNG NABIKTIMA NG FOOD POISONING
KAYA NA-MISS ANG PANAYAM NG SERYE
MAY sakit daw si Megan Young kaya hindi nakarating sa presscon ng serye niya sa GMA 7.
Sa Instagram story ni Megan naikuwento niya na talagang na-miss niya ang ginanap na presscon at nanghihinayang siya dahil gustong-gusto nga raw niya sanang ikuwento ang kanyang kakaibang role na gagampanan.
“Can`t wait for our show “Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko” to air on GMA Afternoon Prime. Wasn’t able to make it to our mediacon because I had food poisoning,” say ni Megan na may emoticon pa na umiiyak.
Tila nauuso ang food poisoning. Ganoon din ang nangyari sa party ni Madam Imelda Marcos na kung saan diumano ay nalason ang mga bisita sa pagkain. At ngayon naman ay si Megan.
Hindi lang malinaw kung sa isang party nagpunta si Megan at na-food poisoning din siya.
Samantala, sa isang interview kay Megan ay ipinagdiinan nito na hindi pa nila pinag-uusapan ng boyfriend na si Mikael Daez ang tungkol sa pagpapakasal.
Happy raw sila sa nangyayari sa kanilang buhay at ini-enjoy lang nila ang magagandang araw na magkasama sila.
Comments are closed.