POSIBLENG pang magkaroon ng pagbabago ang rules sa ilalim ng COVID-19 Alert Level 1 matapos ang isasagawang pagtalakay ng Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil dito.
Ito ang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III, ilang oras bago ang nakatakdang pagpupulong ng IATF nitong Huwebes ng hapon hinggil sa rekomendasyon ng Metro Manila Council (MMC) na ibaba na ang National Capital Region (NCR) sa Alert Level 1 simula sa Marso 1.
Ayon kay Densing, sa ilalim ng Alert Level 1 ay wala ng capacity restrictions at ang kailangan lang ay mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health standards, gaya nang pagsusuot face mask, pag-obserba sa social distancing at regular na paghuhugas ng kamay.
Gayunpaman, maaari aniyang magbago pa ang naturang rules, depende sa magiging usapan ng mga miyembro ng IATF.
“Sa Alert Level 1, wala na po ‘yang capacity restrictions. Ang kailangan lang po i-impose diyan yung minimum public health standards ng pagsusuot ng face mask, pagdidistansiya, paghuhugas ng kamay. Pero baka magbago pa ho yan. Baka may idagdag pa o may mababawasan base sa magiging usap ng IATF ngayong hapon,” pahayag ni Densing.
Aminado rin si Densing na may agam-agam pa ang DILG sa pagpapaluwag ng alerto lalo na at kasalukuyang umaarangkada ang panahon ng kampanyahan sa bansa para sa May 9 elections.
Aniya, plano naman aniya ng DILG na ipanukala na magkaroon ng limitasyon ang kapasidad sa pagdaraos ng mga campaign rallies bilang bahagi pa rin ng pag-iingat laban sa COVID-19.
Ang NCR ay kasalukuyan pang nasa ilalim ng Alert Level 2 hanggang sa Pebrero 28.EVELYN GARCIA