MAGSASAGAWA na ng assessment ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga susunod na araw upang malaman kung maaari nang mailagay sa alert level 1 ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay acting presidential spokesperson Karlo Nograles, kanilang sisilipin ang mga datos bago sumapit ang Pebrero 16 na magsisilbing barometro para sa posibleng pagsasailalim sa Metro Manila sa mas mababang alert level.
Ilan sa mga kailangang tingnan para maideklara ang alert level 1 sa isang lugar, ay dapat na bumaba ang total bed utilization rate sa 49%, makita ang patuloy na pagbaba ng two week growth rate, at nasa below 1 ang daily attack rate.
Sinabi pa ni Nograles, hindi pa napapanahon na tanggalin ang COVID-19 alert level system sa bansa.
Ayon dito, kahit mataas ang vaccination rate sa Metro Manila, kailangan pa ring paigtingin ang pagbabakuna sa iba pang mga rehiyon.
Aniya, hindi pa rin batid ng bansa kung magkakaroon ng mga bagong variant ng COVID-19 na maaaring mag-trigger ng panibagong surge.
Sinabi pa ni Nograles na mas dapat na talakayin ngayon kung kailan magiging handa ang bansa na mailagay sa alert level 1. DWIZ882