ALERT LEVEL 1 SA NCR “PREMATURE” PA

TAHASANG sinabi ni OCTA Research Group fellow Dr. Butch Ong na premature pa para ilagay sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR).

“I think it’s premature to say na pwede nang ibaba sa Alert Level 1 kasi alam naman natin na yung Omicron variant of concern has already been detected although na-quarantine agad ‘no,” ani Ong.

Aniya, masyado pang maaga para magdesisyon at kailangang hintayin pa ang datos mula Disyembre 20 hanggang Disyembre 25 na inaasahang ilalabas pa sa Enero ng darating na taon.

“The thing is, with the lowing ng alert level, kailangan natin ng evidence based, kailangan may datos tayo na nagpapatunay na safe na talagang bumaba sa alert level [1]. Normally, we would wait around two weeks ng data, bago tayo mag-decide,” paliwanag pa ni ong.

Kaugnay nito, inihayag din ng health expert na hindi pa dapat ikaalarma ang bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Paliwanag nito, ang 1.41% na 7-day positivity rate sa NCR at 2% sa buong Pilipinas ay mababa pa rin sa 5% na inirekomendang positivity level ng World Health Organization (WHO).

Nangangahulungan nito, kakaunti pa rin ang nagpopositibo sa kada 100,000 populasyong sumasalang sa COVID-19 testing.

Gayunpaman, babala ni Ong na posibleng tumaas pa ang kaso kung magpapabaya ang publiko.