MAGANDANG balita ang sumalubong sa sambayanan dulot ng patuloy na pagbaba ng mga bagong kaso ng COVID-19.
Sa pinakahuling ulat noong Miyerkoles, bumaba na sa 237 ang mga panibagong kaso ng nasabing virus.
Ang ating mga frontliner ay hindi na ngayon hirap sa pagtanggap ng mga kababayan natin na tinamaan ng COVID-19 tulad noong mga nakalipas na buwan. Mayroon pa nga akong nabalitaan na ang ilan sa ating mga ospital ay wala nang tinatanggap na pasyente, ilang linggo na ang nakalipas, na hinihinalang may COVID-19.
Dahil dito, ang ating pamahalaan ay nag-anunsiyo na ang buong bansa ay mananatili na Alert Level 2 hanggang sa katapusan ng taon. Ayon sa klasipikasyon ng nasabing estado, pinapayagan na ang mga kainan, malls, sinehan, simbahan, paaralan, gym, beauty parlor, barbershop, at karaoke bar na magbukas at tumanggap ng mga tao subalit may pag-iingat pa rin sa pagsusuot ng face mask at pag-obserba ng social distancing.
Ang iba’t ibang uri ng isports tulad ng basketball, swimming, bowling at iba pang mga palaro ay pinapayagan na rin. Kasama na rin dito ang mga pagtitipon tulad ng party, reunion, kasal at binyag na maaaring ganapin sa malalaking lugar ayon sa Inter-Agency Task Force (IATF) . Kaya naman, inalis na rin nila ang mga lugar na isinailalim dati sa community quarantine.
Magandang balita ito. Subalit kapalit nito ay ang unti-unting pagbigat ng trapiko sa kapaligiran, lalo na dito sa Metro Manila. Bumabalik ang dating sitwasyon natin sa usapang paglabas sa ating mga tahanan bago tayo nagkaroon ng lockdown noong ika-12 ng Marso 2020.
Ang dating biyahe na mahigit na trenta minuto na magaang pa ang trapik ay umaabot muli ng mahigit na isang oras. Ang dating halos wala kang makita na commuters sa kalsada noong panahon ng lockdown ay naglabasan ulit at kinakain ang dalawang lanes sa Commonwealth Avenue. Dahil dito ay nagsisikip ulit ang daloy ng trapiko. Kapansin-pansin na rin ang maraming sasakyan maski na pasado alas-10 ng gabi.
Nakakapanibago para sa akin. Marahil ay kailangan na lang natin tanggapin ang mga ganitong kaganapan bilang kapalit ng gumagandang sitwasyon ng ating bansa laban sa COVID-19.
Subalit kailangan pa rin natin ng matinding pag-iingat bagaman nasa Alert Level 2 na tayo. Tandaan, ang COVID-19 ay nandito pa rin. Hindi na mawawala ang nasabing virus. Dagdag pa dito ay ang pagpasok ng panibagong variant ng nasabing virus. Ito ay ang Omicron variant na nagmula sa Africa.
Ayon sa DoH, may nakitahan na silang dalawang banyaga ng positibo sa Omicron COVID-19 na bumiyahe mula sa Nigeria at Japan. Hindi pa malinaw sa pananaliksik ng mga siyentipiko kung gaano kapinsala ang nasabing variant. Harinawa’y hindi ito tulad ng Delta variant na nagmula sa India na maraming pininsalang buhay.
Gayon pa man, huwag tayong magpabaya. Maganda na ang sitwasyon natin laban sa COVID-19. Mag-ingat pa rin tayo upang maransan natin ang magandang diwa ng Pasko at ang pagsalubong natin sa Bagong Taon.