(Alert level 2 posible sa Pebrero) KASO NG COVID-19 SA BULACAN BUMABABA NA

BULACAN-POSIB­LENG irekomenda ng Bulacan provincial go­vernment sa Inter-Agency Task Force(IATF) na maibalik sa Alert Level 2 ang lalawigan sa susunod na buwan.

Dahil ito sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan dulot na rin ng pagsunod ng Bulakenyo sa pinaiiral na health protocol kaya napigil ang mabilis na hawaan at tumaas ang bilang ng nakarekober sa virus.

Sa report na nakalap sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council(PDRRMC), namumuro ang Bulacan sa mas maluwag na restriksiyon ngayong buwan ng Pebrero dahil mula sa mahigit 10,000 active case nitong kalagitnaan ng buwan ng Enero,bumaba ang aktibong kaso sa naita­lang 7,443 kaso nitong Linggo,Enero 23 at inaasahang mas marami pa ang bilang ng mga makakarekober sa susunod na isang Linggo.

Base sa report, umabot na sa kabuuang 106,129 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Bulacan at 97,178 dito ang nakarekober na at 1,508 ang nasawi kaya umaabot na lamang sa 7,443 ang active case kung saan sa bilang na ito ay 95 porsiyento ay mild lamang ang nararamdaman kaya inaaasahang makakarekober ang mga ito matapos ang self quarantine sa loob ng pitong araw.

Magugunitang noong Enero 16 ay umabot sa 10,246 ang aktibong kaso ng may COVID-19 sa Bulacan matapos ang mabilis na hawaan noong Kapaskuhan kung saan noong huling Linggo ng Disyembre ay wala nang 100 ang active case ng COVID-19.

Ngunit dahil sa hindi pagsunod ng mga Bula­kenyo sa health protocol ay muling lumobo ang kaso kaya naibalik sa mas mahigpit na Alert level 3 ang probinsiya.

Gayunpaman, patuloy ang panawagan sa mga Bulakenyo na sumunod sa health protocol partikular ang pagsusuot ng face mask at social distancing upang tuluyan nang bumaba ang aktibong kaso at makabalik sa mas maluwag na restriksyon o Alert Level 2 ang Bulacan ngayong buwan ng Pebrero.
MARIVIC RAGUDOS