ALERT LEVEL 2 SA METRO MANILA, POSIBLE

NAKIKITA ni National Task Force (NTF) special adviser Dr. Ted Herbosa na maaaring ibaba mula sa alert level 3 patungong alert level 2 ang Metro Manila kung patuloy na bumababa ang mga kaso.

Ayon kay Herbosa, mayroon pa ring humigit-kumulang na 33,000 kaso ang naitatala gayunpaman mabilis namang bumababa ang bilang ng mga kaso sa bansa.

Samantala, sinabi rin ng special adviser, na ang mga lugar na may pinakamaraming bilang ng kaso na nagpositibo sa COVID-19 ay nasa labas ng Metro Manila.

Nitong Enero 22 ay nakapagtala ng 30,552 na bagong kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa Pilipinas.

Sa huling datos ng Department of Health (DOH) bandang 4:00 ng Enero 22, pumalo na sa 3,387,524 ang confirmed cases ng nakakahawang sakit sa bansa.

Sa nasabing bilang, 280,619 o 8.3 porsiyento ang aktibong kaso.

Nauna rito ay inihayag ng Department of Health (DOH) na hindi mairerekomenda na ibaba sa Alert Level 2 ang quarantine restrictions sa National Capital Region (NCR) kahit may bahagyang pagbaba sa bilang ng mga naiuulat na mga bagong kaso ng COVID-19.

Ayon sa DOH, masyado pang maaga para ibaba ang Alert level 3. DWIZ882