(Alert Level 3 itinaas sa Gaza) VOLUNTARY REPATRIATION SA MGA PINOY

ITINAAS na ang crisis alert sa Gaza sa Alert Level 3 sa gitna ng giyera sa pagitan ng Israel at ng Hamas, ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega.

Nangangahulugan ito na ang repatriation ng mga Pilipino ay boluntaryo na.

Ayon sa DFA, may 70 Pinoy na ang gustong umuwi sa gitna ng umiigting na bakbakan.

Kinumpirma rin ng Philippine Embassy sa Jordan ang kaganapan. Inirekomenda ng embahada, na may hurisdiksiyon sa mga Pinoy sa Gaza, ang pagsasailalim sa lugar sa Alert Level 3 noong Martes.

Ayon kay De Vega, inaprubahan ng DFA ang pagtataas ng crisis alert level sa Gaza noong Miyerkoles.

Naunang sinabi ni Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos na nakikipag-ugnayan siya sa kanyang counterparts sa Israel at Egypt para matukoy ang posibleng exit routes mula sa Gaza.

Sa Palace briefing noong Miyerkoles, tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na nakahanda itong ilikas ang mga Pinoy sakaling magkaroon ng panibagong pag-atake.