(Alert Level 3 itinaas) VOLUNTARY REPATRIATION SA PINOYS SA HAITI

MAY 63 Pinoy ang inaasahang pauuwiin mula sa Haiti sa gitna ng nagpapatuloy na marahas na gang activities sa Caribbean country, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sinabi ni DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac na ang repatriation ay kasunod ng pag-apruba ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo sa rekomendasyon na ideklara ang Alert Level 3, na nangangahulugan ng voluntary repatriation para sa mga Pilipino sa Haiti.

Ayon kay Cacdac, may 115 Pinoy sa Haiti.

Naghahanap din ang DMW ng mga opsyon sa kung paano ipatutupad ang repatriation ng 63 Pinoy dahil walang  flights mula Haiti.

Hindi rin ipinapayo ang land travel sa capital Port-au-Prince dahil sa gang activities.

“Chartering a flight seems to be the most viable option at this time,” sabi ng DMW OIC.

Sa kasalukuyan, aniya, ay wala pang report na may Pinoy na naapektuhan o nasugatan sa nagpapatuloy na security crisis.

Dagdag pa ni Cacdac, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan kina Ambassador Jose Manuel “Babe” Romualdez, Honorary Consul General Fitzgerald Oliver James Brandt, at Filipino community leader Bernadette Villagracia hinggil sa posibleng repatriation ng mga Pinoy sa Haiti.