ALERT LEVEL 3 SIMULA NA, PAGTITIPON BAWAL

SIMULA ngayong araw ng Lunes Enero 3, 2022 ay ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Alert Level 3 sa buong Kalakhang Maynila bunsod ng pagdami na naman ng COVID-19 cases kabilang ang Omicron variant.

Tumataas ang kaso ng COVID kada araw kung saan nitong ilang linggo ay nasa 783 porsiyento at hindi pa malaman kung ito ay Omicron kaya’t pinag-iingat ang mamamayan.

Nagkaroon ng pagpupulong ang Metro Manila Council (MMC) na kinabibilangan ng Metro mayors, ang policy making body ng MMDA para sa mobility.

Binanggit din ang ilang guidelines para sa pagpapatupad ng Alert level 3 kung saan hindi pinapayagan ang operasyon para sa face to face classes, contact sports, fun fares, venues na mayroong live voice at instrument performances, casino, gaming establishments, pagtitipon sa mga tahanan.

Sa pagbiyahe, ang interzonal at intrazonal travel ay papayagan na mayroong regional restrictions na ipatutupad ng mga LGU at para sa indoor three Cs (closed, closed contact and crowded areas) 30 porsiyento na lang ang papayagan. Ngunit kung mayroon safety seal may karagdagan itong 10 porsiyentong kapasidad na papayagan.

Ang 18 taong gulang na kabataan pababa at comorbidities ay puwede sa mga establisimyento para sa essential goods.

Para naman sa Metro Manila Film Festival (MMFF), nabatid na 30 porsiyento lamang ang papayagan sa mga sinehan hanggang Enero 7.

Pinag-usapan din ang papel ng technical working group at ang enhanced vaccination mandate at iba pang polisiya para sa mga bakunadong residente.

Sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos ang ilan sa challenges nito na maraming fake vaccination card, legal at constitutional issues na dapat aniya ay huwag palagpasin ang pagbibigay ng booster shots sa publiko.

Pag uusapan din ng Metro mayors na kailangang higpitan ang establishments na may quarantine facilities dahil malalagay sa balag ng alanganin ang kaligtasan ng komunidad. Ayon kay Abalos, dapat parusahan ang mga lalabag.

“Ngayong season, we must be prepared with anti gen test bilang self test. Kung kinakailangan magself test. Sapat pa ang contact tracers ng LGUs. Pagpasok ng bagong taon may challenges pero ito ay kakayanin natin,” ayon kay Abalos.

Sa usapin ng public transport, makikipag-coordinate ang MMDA sa DOTR dahil sa pinaalis ang plastic, at dapat aniya maisaalang-alang ang safe distancing.

Balik na rin ngayon ang pagpapatupad ng number coding sa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila. LIZA SORIANO