(Alert Level 4 itinaas sa Gaza) MANDATORY REPATRIATION SA MGA PINOY

ITINAAS ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 4 ang Gaza, na nangangahulugan na mandatory na ang paglikas ng mga Pilipino roon.

Ang pagtaas ng alert level sa Gaza ay sa gitna ng paghahanda ng Israel para sa ground offensive laban sa Hamas militants sa Gaza, isang blockaded at militarized Palestinian territory.

Dahil dito, nanawagan ang DFA sa mga Pinoy na lisanin na ang Gaza at nangakong tutulungan ang mga ito na makatawid sa Egypt.

“Ibig sabihin ng mandatory hindi ‘yung pupuntahan namin kayo tapos hahatakin lumabas. Pero sinasabihan na namin sa inyo lumikas na kayo. At kung maiwan kayo we can’t stop you, we cannot prevent it,” wika ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa isang panayam sa radyo.

Ayon kay De Vega, mahihirapan na ang Philippine government na tulungan ang mga Pilipino sa Gaza kapag lumala pa ang sitwasyon.

Sinabi niya na nakahanda ang pamahalaan pero sa ngayon ay wala pang makapasok o makalabas sa Gaza.
Aniya, sa sandaling buksan ang crossing, dadalhin ng mga opisyal ng gobyerno ang mga Pilipino sa Cairo at pagkatapos ay iuuwi sa Pilipinas.

Napag-alaman na may 137 Pinoy ang nasa Gaza.

Noong Huwebes ay itinaas ng DFA sa Alert Level 3 ang Gaza, na nangangahulugan ng voluntary repatriation.