ALERT LEVEL NAPAPANAHON NANG IBABA-EXPERTS

PANAHON  na upang ibaba ang alert level sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19.

Ito ay ayon kay Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante kasunod ng trend ng virus, lalo na ang arawang mga kaso.

Gayunman, kahit aniya ibaba sa Alert Level 1, ay dapat pa ring sundin ang minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face masks at physical distancing.

Dapat din aniyang maging maingat, lalo na ang mga may sintomas ng sakit.

Sa ngayon ay nakapailalim sa Alert Level 3 ang Davao De Oro, Davao Occidental, Guimaras, Iloilo City, Iloilo Province, South Cotabato, at Zamboanga City.

Habang nasa Alert Level 2 naman ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa hanggang sa katapusan ng buwan.

Nakitaan ng pagbaba sa mga kaso ng COVID-19 ang siyam na siyudad sa Metro Manila.

Ayon kay OCTA Research Fellow Guido David, sa naiulat na 1,712 na mga kaso nitong Linggo, 369 dito ay nagmula sa National Capital Region.

Kabilang sa mga nakitaan ng pagbaba sa Covid-19 daily tally ang Quezon City, Parañaque, Makati, Taguig, Pasay, Las Piñas,Caloocan, Navotas at San Juan.

Samantala, nakapagtala naman ng pagtaas sa kaso ng virus ang Maynila, Pasig, Mandaluyong, Valenzuela, Muntinlupa, Marikina at Pateros.

Habang hindi naman gumalaw ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Malabon City.

Ayon pa kay David, bumagal ang Covid-19 growth rate sa rehiyon sa negative 33%, at naitala naman ang 0.21 na reproduction number.