INIHAYAG ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na naging epektibo ang implementasyon ng Alert Level System na may kaakibat na granular lockdown, para labanan ang banta ng COVID-19.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, sa panahon ng pilot implementation ng Alert Level System ay naobserbahan nila ang patuloy na pagbaba ng mga kaso ng sakit.
Anoya, humusay din ang average daily attack rate (ADAR) at health care utilization rates.
“Pagkatapos po nag-pilot tayo sa 10 regions as of today, nakita po natin yung continuous na pagbaba ng mga kaso pag-improve ng daily attack rate at mga health care utilization rates. Pero, of course, kaakibat nitong Alert Level System ay pinapatupad din natin yung mga granular lockdowns yung mga maliitang lockdowns sa iba’t ibang lugar,” ayon kay Densing sa isang panayam.
“Nakita nating epektibo at nakumbinse natin si Pangulong Rodrigo Duterte mag-shift na to Alert Level System plus granular lockdown instead doon sa lumang community quarantine na pinapatupad natin,” dagdag pa ng DILG official.
Nabatid na inianunsiyo na ng Malacañang na ang COVID-19 Alert Level System ay ipinatupad na sa nationwide scale simula nitong Biyernes, Nobyembre 12.
Sa ilalim ng naturang sistema, ang mga lockdowns ay limitado na sa mga komunidad lamang kung saan mayroong mataas na antas ng hawahan ng virus upang hindi maapektuhan ang kabuhayan ng mga tao, gayundin ang ekonomiya ng bansa. EVELYN GARCIA