ALERT LEVEL SYSTEM SA COVID-19 IREREKOMENDANG ITULOY NG BBM ADMIN

PLANONG irekomenda ng Department of Health sa administrasyon ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ituloy ang umiiral na alert level system sa COVID-19.

Sa Laging Handa Public briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang alert level system ang nagbibigay ng safeguard at giya sa pamahalaan para tugunan ang pandemya.

Irerekomenda naman ni Health Secretary Franciscco Duque III na paigtingin pa ang kampanya sa pagpapabakuna.

Bumuo na ng transition committee ang DOH para ilatag kung anong mga programa ang dapat na bigyang prayoridad ng susunod na administrasyon.

Nananatiling alert level 1 ang Metro Manila maging ang maraming lalawigan mula nang luwagan ng pamahalaan  ang kwarantina dahil sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Samantala,  kinumpirma ng DOH na mayroon nang local transmission ng BA.5 Omicron subvariant ng COVID-19 sa bansa.

Nagpositibo sa naturang variant ang isang 39 anyos na babae at isang 51 anyos na lalaki sa Central Luzon kahit na walang travel history o hindi bumibiyahe sa labas ng bansa.

Agad namang nilinaw ni Vergeire na hindi ito nangangahulugan na mayroon nang community transmission sa bansa.