Photo from Senate of the Philippines
Walang mapiga ang mga senador sa muling pagharap ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa Senado makaraan itong maaresto sa Indonesia.
Hindi na nakapagtimpi ang mga senador sa dismissed mayor sa patuloy nitong hindi pagsagot sa mga tanong sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kung kanino ang ginamit na yate ng dating alkalde palabas ng bansa.
Dahil sa umano’y death threat ayaw banggitin ni Guo ang pangalan ng may-ari ng yate na kanilang ginamit, kaya naman sinabi ni Senador Risa Hontiveros na isulat na lamang niya ito ngunit tumanggi pa rin si Guo.
“Sen., gustong-gusto ko po i-discuss, sir. Natatakot po ako i-discuss,” ani Guo sa Senate panel.
Sagot naman ni Sen. Jinggoy Estrada: “Gustong-gusto mo pala eh, eh ‘di sabihin mo sa amin. Nakakapikon ka na, nakakagigil ka na.”
Ito ang unang pagharap ni Guo sa Senado matapos niyang mahuli sa Indonesia at maibalik sa bansa.
Nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) si Guo.