ALICE GUO HINDI MAPARURUSAHAN SA ACT OF ESPIONAGE

KAHIT mapatunayang isang espiya o sangkot sa paniniktik laban sa Pilipinas si dismissed Bamban Mayor Alice Guo ay hindi ito maparurusahan ng espionage.

Ito ay dahil walang angkop na batas na umiiral sa kasalukuyan laban sa mga espiya, ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro sa isang chance interview kahapon nang magsilbing panauhing pandangal sa ginanap na Balangay Forum: Safeguarding Maritime Archipelagic Nation Awareness Month.

Ayon kay Sec. Teodoro, kailangang am­yendahan kaagad ng Kongreso ang batas hinggil sa paniniktik laban sa Pilipinas.

Ito ay dahil ang espionage law  ay epektibo lamang sa panahon na  may digmaan.

“Kung ang tao na ito  ay spy o hindi, hindi yun ang mahalaga, ang mahalaga ngayon parusahan natin ang espionage sa panahon ng peace (peace time), kasi ang espionage law sa Pilipinas ay epektibo lamang during times of war so call to action din, alam na naman ng ating mambabatas na agaran nilang amyendahan yung espionage law para maparusahan at makakilos ang gobyerno ng tama para sugpuin ito,” anang kalihim.

Muling nabuhay sa ginagawang house Quad committee hearing ang isyu na isang espiya si Alice Guo nang ipalabas  ang   Al Jazeera documentary na nagdadawit sa pangalan ni Guo.

Sa nasabing dokumentaryo, inilahad  ng isang  negosyante na nakakulong sa Thailand na siya ay isang spy ng China’s Ministry of State Security.

Ayon kay She Zhijiang, siya at si Guo Hua Ping  ang  alleged Chinese name ni Alice Guo na inilaan nila ang kanilang buhay sa China’s Ministry of State Security. Hinikayat nito ang Bamban, Tarlac mayor na sabihin sa buong mundo ang katotohanan kung ayaw niyang ma- eliminate.

Kaugnay nito, tiniyak ni Teodoro na iniimbestigahan na itong mabuti ng mga awtoridad kung ano ang mga koneksyon ni Guo, kung sino man ang maaring naging koneksyon nito,  gaano kalawak ang kanyang aktibidad.

“What is clear is that she is not a Filipino. Se­condly, she falsified documents to pretend that she is a Filipino and thirdly she was an active co-conspirator to a  massive illegal criminal enterprise kung saan nagmula ang lahat ng illegal na activities.”

Subalit ang nakaka-intriga  ay ang  32-building complex na  nag-operate malapit lamang sa AFP Training and Doctrine Command at Light Armor Division. “And you know all the authorities should have been aware of this at that time, particularly the local authorities.

Whether or not she is a spy, that is something yet to be determined with finality by the proper authorities, ani Gibo Teodoro.

VERLIN RUIZ