OOBLIGAHIN ng Commission on Elections (Comelec) si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na humarap sakaling maihain na ang election case laban sa kaniya.
Kasalukuyang gumugulong ang imbestigasyon ng poll body kaugnay sa kandidatura ng suspendidong alkalde noong 2021-2022 matapos mabunyag ang mga detalye ng kaniyang kwestyonableng pagkatao at nationality.
Paliwanag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, kapag sasagutin ng isang inaakusahan ang mga alegasyon laban sa kaniya, kailangan nitong maghain ng counter-affidavit at hindi ito maaaring gawin ng kaniyang abogado dahil ang akusado ang dapat na maghain at manumpa para sa authenticity ng affidavit.
Balak naman ng Comelec na puntahan ang local registrar ng Bamban, Tarlac kung saan prinoseso ni Guo ang kaniyang certificate of candidacy noong 2021 at nanalo bilang alkalde noong May 2022 election.