ALING MONA, UMALIS SA INIT NANG ‘DI MALANTA

‘PAG ang matamis na prutas ay malapit nang mabulok, ito ay umaasim, at pag sobrang asim na — puwedeng gawing suka (vinegar).

Kung matamis na mangga noon si Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Mona Dimalanta — kung itutulad sa prutas, ngayon, sabi ng mga sources natin sa Palasyo, maasim na ito at baka gawing suka.

Maganda ang apelyido ni Aling Mona — Dimalanta. Hindi Malanta. Lanta mula sa old Tagalog na ang ibig sabihin, hindi mawawala ang kasariwaan, kung sa bulaklak, mananatiling mabango, sariwa, maalindog.

Balik tayo sa topic: sabi ng mga kaibigan natin sa Malakanyang, ito palang si Aling Mona ay dating tauhan ni Sir Sabin Aboitiz na ngayon ay lead convernor ng Private Sector Advisory Council ng ating Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ewan kung totoo, sabi si Dimalanta ay nai-appoint sa ERC sa tulong ng dati niyang boss sa Aboitiz na isa sa mga tagapayo tungkol sa kung paano mapahuhusay ang takbo ng energy sector.

Kung walang energy, walang industriya, at kung walang industriya, patay tayo, tama po ba, Ms. Dimalanta?

E, nasa industry sector ang Aboitiz na isa sa malaking kompanya na nag-aambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa, kaya kung may ipapayo si Sir Sabin, marahil para sa interes ito ng bansa, tama po ba, Aling Mona?

Kung may kailangang pag-usapan sa energy, naipapatawag si Dimalanta sa Palasyo, at madalas, ang usapan ay nasesentro at paborable sa Aboitiz, at kung may kailangang ipasunod sa ERC, makatatanggi ba si Aling Mona.

Lalo pa, sabi nga si Sabin ang nagrekomenda sa kanya kay PBBM na iupo bilang hepe ng ERC, at kung titingnan ang ugaling Pinoy na pagtanaw ng utang na loob, hindi maiiwasan, kung ano ang maipayo ng Private Sector Advisory Council na lead convernor, maoobliga si Ms. Dimalanta na sumunod.

Kaya tuwing magmimiting sa Palasyo, ang sweet ng usapan nina Sabin at Dimalanta, pero marami ang nakahahalata, umaasim na raw ang relasyon ng dating mag-amo.

Kasi raw, hindi makakilos nang maayos itong si Dimalanta at kung may kailangang ipasunod — ayon sa mandato niya bilang ERC chairman –, dapat malaya siya na magdesisyon bilang regulatory body sa energy sector.

E, madalas, sabi ng ating sources, naiipit na si Aling Mona sa sitwasyon kasi, kung may nais siyang ipasunod, kailangan hindi kakontra, kundi pabor sa gusto ng among si Aboitiz.

Nito nga raw nakaraang miting sa Malakanyang, nagpapakita na ng pagkainis si Dimalanta sa dating among si Aboitiz, kasi nga, hindi na ito makagalaw na ayon sa nais niyang pagpapatakbo sa ERC — na ayon sa batas ang ahensiyang ito ay isang “independent, quasi-judicial regulatory body, ayon sa Section 38 ng EPIRA Las ( RA 9136).

Itong EPIRA Law ang lumikha sa ERC, katwiran ni Ms. Dimalansa na isang malaya, at may kapasiyahang sarili na ang mandato ay sikaping maging parehas hanggang maaari ang mga shareholder sa larangan ng enerhiya.

Sa ngayon, ang daming problema sa energy sector — maraming brown at black out, at ang mga electric cooperatives sa iba-ibang probinsiya at ang Meralco dumaranas ng kakapusan ng supply ng koryente.

Sa miting sa Malacanang, hinahanapan si Dimalanta ng solusyon kung paano mareresolba ang madalas na pag-iral ng mga yellow at red alerts na malaki ang masamang epekto sa operasyon ng gobyerno at ng mga industriya.

Balita, ang payo ng Private Sector Advisory Council na puno nito si Aboitiz, ay sinusuway na ni Dimalanta at kumbaga, tumapang na at balak na kontrahin ang nais ng mga tao na dahilan kaya siya nasa ERC?

Umaasim na ba ang dating matamis na prutas, at ang dating sariwa ay ano na — ang dating ‘di malanta ay malalanta na?

Eto pa, ayon sa sabi-sabi si Aling Mona pala ay isang diehard supporter ng dilaw na naging pink na natalong kandidatong presidente, ang madalas na tukuying Ms. Lutang na si ex-VP Leni Robredo.

E, malas, natalo si Aling Leni, at kailangang may makakapitan sa poder sa Malacanang ang isang nais mapuwesto sa gobyerno ni Pangulong Marcos.

Uso naman ang paruparong bukid sa larong politika, kaya sa tulong ng mga malalapit kay PBBM, naipuwesto sa ERC si Dimalanta, na ngayon, sabi ng mga nakakaalam, ayaw nang makinig si Aling Mona sa payo ng advisory council ni Aboitiz.

Naiinis na nga raw si Dimalanta, at eto ang posibleng mangyari, malalanta siya, at ang prutas na matamis ay magiging maasim.

May payo ang ibang close kay Dimalanta — kung ‘di kaya ng dibdib ang ipinagagawa, aba, alisin ang nagpapabigat sa kalooban.

Better resign kundi na kaya ang init sa kusina.

Pag nagtiis sa malakas na buga ng apoy, masusunog ka.

E ang sariwang bulaklak, ‘pag nadarang sa init o sa apoy, ang malalanta, aba, sayang ang apelyido niyang Dimalanta (hindi malalanta!).

Kaya ang advice ng mga close friends ni Aling Mona sa ERC, kumalas na, bumitaw na, kumaripas na ng takbo palabas ng ahensiya, kaysa magulat na lang, may kapalit na siya.

E, uso ang baklasan ngayon, Aling Mona, at wag na wag mo nang hintayin pang kayo po ay malanta!

Kung nais maging laging sariwa at ‘di malanta, mag-great escape na sa ERC!

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].