Alisa & Geralyn Banaan tindera ng alimasag

Jayzl Villafania Nebre

DAHIL nga nakapasyal tayo sa Orion, Bataan, sinamantala na natin ang pagkakataong mag-interbyu ng mga lokal na negosyante. Ang nakapanayam naming ay ang mag-inang Alisa at Geralyn na kapwa nagtitinda ng alimasag sa harapan ng munisipyo.

Sa paglalakad naming sa pasigan, ilang babae ang nakita naming nagtitinda ng alimasag at hipon. Ang mag-inang Alisa at Geralyn Banaan, at ang kaibigan nilang si Vanessa Moreno. Tuwing umaga, mula Linggo hanggang Sabado, kapag umuwi na galing sa pamamalakaya ang ama ng tahanan, babawas lamang umano sila ng kaunting pang-ulam para sa maghapon at ibebenta na nila ang matitira.

Lima hanggang sampung kilo ng alimasag at hipon ang kanilang ibinebenta sa halagang P100 bawat kilo. Kapag malalaki raw ay P150 per kilo ang presyo nila. Ang problema, kapag masama ang panahon ay hindi nakakapamalakaya ang mga mangingisda kaya wala silang naititinda. Kaya sinasamantala nila kapag maaraw at hindi gaanong malalaki ang alon.

Madalas na nauubos ang kanilang paninda bago tumanghali kaya may panahon pa silang magluto ng pananghalian. Minsan, kung medyo minamalas, hindi sila nakakaubos ng paninda kaya iniluluto na lamang nila ito at kinakain, o kaya naman ay ibinibigay nila sa mga kapitbahay.

Hand-to-mouth. Ganyan maide-describe ang kanilang pamumuhay. Wala silang naiipon sa kanilang kinikita dahil sapat lamang ito sa kanilang mga pangangailangan. Ngunit dahil wala silang alam na pagkakakitaan, wala silang pagpipilian kundi ang magtinda ng alimasag.

Isa pa sa nakita naming nagnenegosyo rin ay si Kuya Ting. Nagtitinda siya ng manga, at sa maniwala kayo o hindi, P40 po bawat kilo ang presyo. Kumpara sa presyo sa Guadalupe, Makati kung saan ako nakatira, one-third ang presyo nito kumpara sa P120 per kilo na alam kong Makati price.

Ayon kay Kuya Ting, inaangkat lamang niya ang itinitinda niyang manga. Sa madaling sabi, kung direct seller ang nainterbyu namin, mas mura pa pala s P40 per kilo.

Sa totoo lang, sako-sako ang bentahan ng mangga sa Orion na nagkakahalaga lamang ng P500-P600 bawat sako. At syempre, bawat sako ay umaabot sa 50 kilos.

Kung pakasusuriin, may kahirapang kumita ng pera sa Orion. Okay lang yon. Hirap man sila sa pera, hindi naman sila hirap sa pagkain. Simpleng simple lang ang pamumuhay dito. Kakain ng tatlong beses isang araw, mamamasyal sa tabing dagat o sa park dahil wala namang mall, at magsisimba kapag araw ng Linggo. Simpleng tao, simpleng pamumuhay, malayo sa magulong lungsod. Kung sanay ka sa magulo at maingay na Maynila, hindi ka masasanay dito. Pero kung simpleng tao ka lang, tama lang s aiyo ang Orion. JVN