ALITUNTUNIN SA FOA, AMP INILUNSAD SA CENTRAL VISAYAS

SINIMULAN na ang pagpapalaganap ng impormasyon patungkol sa Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association (FOA) and Civil Liberties sa Central Visayas kasunod ng paglulunsad nito sa rehiyon noong 27 Agosto 2024 sa Cebu.

Ang paglulunsad ay bahagi ng pagsisikap ng Department of Labor and Employment sa pagpapakalat ng impormasyon sa kahalagahan ng paggalang sa karapatang pantao at ang epekto nito sa alitan sa paggawa sa pagitan ng grupo ng manggagawa, sektor ng employer, at mga partner ng pamahalaan.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ay ang kahalagahan ng karapatang pantao, ang mga probisyon ng Executive Order No. 23, series of 2023, na nagpapatibay sa Freedom of Association (FOA) at karapatan ng mga mang­gagawa na mag-organisa, at mga patakaran sa pagpapatupad ng FOA.

Malugod na tinanggap ni DOLE Central Visayas Regional Director Lilia A. Estillore ang mga nagsidalo at ipinahayag na siya ay umaasa na magkakaroon ng inspirasyon ang lahat upang ganap na suportahan at itaguyod ang mga pangunahing karapatan ng kalayaan sa pagsasamahan at ang karapatang mag-organisa. Binigyang-diin niya ang mga karapatang ito bilang mahalagang haligi ng isang demokratikong lipunan, gaya ng nakasaad sa 1987 Philippine Constitution.

 Nagsilbing resource persons sina Commission on Human Rights (CHR) 7 Regional Director Arvin A. Odron, na tumalakay sa kahalagahan ng paggalang sa karapatang pantao, at DOLE 7 Mediator Arbiter Lovely Aissa B. Velayo–Agliam na nagpaliwanag sa mga detalye ng Executive Order No. 23, series of 2023.

 Tinalakay naman nina Labor Arbiter at concurrent Bureau of Labor Relations Officer-in-Charge Maria Consuelo S. Bacay ang Omnibus Guidelines on the FOA at Department of Trade and Industry – Bureau of International Trade – Multilateral Relations Division Chief Jan Dela Vega ang epekto ng mga alitan sa paggawa sa kalakalan..

 Si Assistant Secretary Lennard Constantine C. Serrano ng Labor Relations, Policy, International Affairs, at Regional Ope­rations Cluster, bilang keynote speaker, ay kumakatawan sa Kalihim ng Paggawa na nakibahagi rin sa naturang paglulunsad.

Inilunsad din ng regional office sa parehong okasyon ang Adjustment Measures Program o DOLE-AMP ng ahensya.

Isang orientation at write shop din ang isinagawa para sa mga pribadong establisimiyento mula sa mga lalawigan ng Negros Oriental, Cebu, at tri-city ng Mandaue, Cebu, at Lapu-Lapu.