BATANGAS CITY-PATONG-patong na kasong murder at frustrated murder ang inirekomenda ng NBI Special Action Unit sa tanggapan ng Provincial Prosecutor ng Batangas laban sa dating vice mayor at ngayo’y Mayor ng Tuy, Batangas na si Mayor Jose Cerrado, dalawang opisyal ng Tuy police station at dalawang tauhan ng alkalde.
Ito ang nabatid kay Atty. Giselle Garcia Dumlao, NBI Spokesperson makaraang lumutang pa ang isang dating tauhan ni Cerrado na idinetalye ang kanyang partisipasyon sa nangyaring ambush sa mga dating lider sa pulitika ng Alkalde.
Nauna rito, humingi ng tulong sa NBI si alias ” Jerry” hinggil umano sa bigong ambush sa kanya at sa kanyang pamilya noong panahon ng halalan 2016.
Hindi umano nagustuhan ni Cerrado ang pagtalikod ng pamilya ni Jerry sa kandidatura ng alkalde kung kaya’t nagbanta umano ito sa kanya.
Lumipas ang dalawang araw matapos ang nasabing pagbabanta inambus ng mga armadong kalalakihan ang van na sinasakyan ni Jerry na muntik niyang ikinamatay.
Nasundan pa umano ng dalawang beses ang nangyaring ambush kung saan dalawang kapatid ni Jerry ang napatay kasama ang tatlo pa nilang kaibigan.
Ayon kay Atty. Dumlao lalong tumibay ang kaso laban kina Cerrado, Executive MSgt Joy Jimenez, Special MSgt. Angelo Ureta at dalawa pang tauhan ng alkalde.
Hindi naman nagpaunlak ng panayam ang tanggapan ng alkalde hinggil sa naturang isyu.
ARMAN CAMBE