KUNG may Christmas wish man si Winwyn Marquez, iyon ay ang namalo ng best actress award sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa performance siya sa Nelia, at maging malusog ang ipinagbubuntis niya.
Aniya, “Ma-nominate lang po ako, baka magpakain na po ako. Kahit hindi po manalo, kahit ma-nominate lang po, ibang level na po yun for me. Kasi never naman po ako nag-e-expect, kasi ang gusto ko lang po ay mapanood ng tao yung Nelia, ma-appreciate po nila yung film, yun po ang mas importante sa akin.”
Hindi masyadong naglalalabas si Winwyn dahil buntis nga siya pero gusto raw niyang makipag-cooperate sa promo ng MMFF 2021 entry niyang Nelia ng A&Q Productions. Online lang daw siya makakatulong sa promotion dahil nag-iingat siya. Minu-monitor raw siya ng kanyang doktor.
Sa ngayon, nag-a-adjust pa raw ang katawan niya sa pagbubuntis pero okay naman ang lahat. Excited nga umano ang buong pamilya niya sa pagiging future mommy niya, lalo na ang mga magulong niyang sina Alma Moreno at Joey Marquez.
“Dalawang Christmas gift na I couldn’t ask for more talaga — ang Nelia na first title role ko, and title role of being a mother,” aniya.
Eksaktong 21 weeks na ang ipinagbubuntis ni Winwyn at kanin raw ang pinaglilihian niya. Kahit ano raw ang ulam, kakain siya ng kanin sa almusal, tanghalian at hapunan, kahit pa sa meryenda.
“Breakfast, lunch, dinner may kanin. Tuyo, suka… ganun,” sabi pa ng actress-beauty queen.
Bukod sa kanyang pamilya, ilan sa mga unang sinabihan ni Winwyn ay ang kanyang mga kaibigan sa showbiz na sina Rocco Nacino at Enzo Pineda at ang kapwa beauty queen na si Laura Lehmann.
Hindi man lubos ay may konting pag-asa ang actress-beauty queen na kahit nomination ay makakasali siya sa pagpipilian sa MMFF best actress award. “Masuwerte raw ang buntis,” aniya. “Malay natin, baka swertihin ako,” dagdag pa niya.
Alam umano niyang malalaking artista ang makakalaban niya, kaya kahit ma-nominate lang daw siya ay sapat na. Para kay Winwyn, napakalaking blessing sa kanya ang Nelia dahil ito ang first project niya na siya ang title role. Nang ibigay nga raw sa kanya ang role, tinanong pa niya ang mga producers kung sure sila kung kukunin talaga siyang bida.
“Kasi, never pa ako nagbida talaga,” ani Winwyn. “Hindi talaga ako naniwala hangga’t wala pa akong schedule ng shooting, kasi baka mapalitan. Ayoko talaga mag-expect. But nung nag-shoot kami, nag-sink in din. Grabe ang pressure, kasi challenging siya, since psychological suspense-thriller yung movie. Tapos, I came from lock in na rom-com. So, iba yun yung pag-adjust ko sa paggawa nung film,” dagdag pa niya.
Sana nga, matupad ang wish ni Winwyn.—KNMARTIN