‘ALL-OUT WAR’ KONTRA VAW INILUNSAD NG DOJ

SA paggunita ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW), muling pinagtibay ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang pangako na ipagtanggol at protektahan ang karapatan ng mga kababaihan sa pamamagitan ng maayos na pagpapatupad ng batas.

Ipinahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang isang all-out war laban sa lahat ng uri ng karahasan, kawalang katarungan at diskriminasyon sa kababaihan.

Binigyang-diin niya ang kanilang layunin na tugisin at papanagutin ang mga lumalabag gamit ang buong kapangyarihan ng batas.

Sa mensahe ni Remulla na binasa ni Undersecretary Nicholas Felix Ty, nanawagan ito sa mga opisyal at empleyado ng DOJ na maging aktibo, may kaalaman at maging tagapagtaguyod ng positibong pagbabago sa laban kontra VAW.

“I call on everyone here today to empower victims of VAW by disseminating information on available support services and resources of the government aimed at empowering VAW survivors, reminding them that they are never alone in this noble fight. To the perpetrators, we will run after every single one of you” ani Remulla.

Ang temang “VAW Bigyang-Wakas, Nga­yon na ang Oras!” ang sentro ng kampanya ngayong taon na tumatakbo mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12 bilang pagsunod sa Republic Act 10398.

Ang batas na ito ay nagdedeklara ng Nob­yembre 25 bilang National Consciousness Day for the Elimination of Violence Against Women and Children (VAWC).

Muling nangako ang Men Opposed to Violence Against Women Everywhere (MOVE) DOJ Chapter na susuportahan ang kampanya ng gobyerno laban sa gender-based violence.

Dumalo rin sa okasyon ang mga kilalang tagapagtanggol ng kababaihan kabilang sina Ms. Asia Pacific International 2024 3rd Runner-Up Blessa Figueroa, Miss World Philippines 2024 Tracy Maureen Perez, Ms. CosmoWorld 2022 Meiji Cruz at Miss Cosmo­world 2024 2nd Runner-Up Sam Victoria Acosta.

RUBEN FUENTES