ALL-PINOY CROWN TARGET NG GINEBRA

ginebra

Laro ngayon:

AUF Gym

6 p.m. – Ginebra vs TnT

MAPASAKAMAY na kaya ng Barangay Ginebra ang pinakaaasam na All-Pinoy title?

Sisikapin ng Gin Kings na tapusin na ang serye kontra TNT Tropang Giga sa Game 5 ng PBA Philippine Cup bubble finals ngayon sa AUF Gym sa Angeles City, Pampanga.

Nakatakda ang laro sa alas-6 ng gabi kung saan mataas ang morale at kumpiyansa ng Ginebra makaraang magwagi sa Game 4 upang kunin ang 3-1 bentahe sa serye.

Pinapaboran ang Kings dahil may iniindang injuries ang key players ng Tropang Giga, sa katauhan nina Bobby Ray Parks at Jayson Castro.

Kailangang kumayod nang husto ang Tropang Giga at makakuha ng suporta mula sa kanilang reserve crew para mapalawig  pa ang serye.

Sa kabila nito ay ayaw magkumpiyansa ni Ginebra coach Tim Cone.

“TNT is going to come out line wounded tigers. It’s an organization with a lot of pride, so closing out this series will be incredibly difficult. We know that. We’ll need to earn it, they certainly won’t give us anything,” wika ni Cone.

Sa 98-88 panalo ng Ginebra noong Linggo ay lumapit ito sa bubble crown.

Nakalubog sa 1-3, si TNT coach Bong Ravena at ang kanyang tropa ay nahaharap sa mabigat na hamon na magwagi ng tatlong sunod upang mapigi-lan ang Ginebra na sundan ang kanilang Governors’ Cup title run.

Ang kawalan ng katiyakan ng paglalaro nina Parks at Castro ay lalo pang nagpahirap sa sitwasyon ng TNT.

“I don’t know what Jayson’s status is and Bobby Ray’s but they are down a couple of really, really key players. That will be like us losing Scottie (Thompson) and Stanley (Pringle), something like that. And how difficult it would be to win for us without Scottie and Stanley. That’s how I look at it,” ayon kay Cone.

Gayunman, ayaw maliitin ng  Kings ang Tropang Giga.

“We are going to assume that they are both going to play on Wednesday,” ani Cone.

Samantala, sa kabila na nakabaon sa malalim na butas ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Ravena.

“Hindi pa naman tapos ang lahat. They still need to win one game (to capture the title),” ani Ravena.

“Basta kami, we’ll just try and try to win Game Five.” CLYDE MARIANO

Comments are closed.