(All-Pinoy Cup lalarga na) BEERMEN VS HOTSHOTS

araneta

Laro ngayon:

7:30 pm- San Miguel vs Magnolia

MATAPOS ang halos dalawang buwang pahinga, magbabalik ang aksiyon sa PBA sa pag-arangkada ng Philippine Cup ngayon sa Araneta Coliseum, tampok ang nag-iisang laro sa pagitan ng defending champion na San Miguel Beer at ng sister team Magnolia.

Nakatakda ang bakbakan ng Beermen at Hotshots sa alas-7:30 ng gabi.

Bago ito ay ang Leo Awards na igagawad sa mga natatangjng player, kabilang ang coveted Most Valuable Player.

Bibigyang-pugay rin ng 12 PBA member ball clubs at ng buong liga ang siyam na orihinal na koponan na noong  1975 ay kumalas sa amateur ranks at nagsilbing pundasyon ng pioneering pro league sa Asia.

Ang Beermen ay maglalaro na wala ang kanilang No. 1 pillar na si June Mar Fajardo, su­balit paborito pa rin para maidepensa ang korona habang ang Hotshots ay highly motivated at gigil na maagaw ang kampeo­nato.

Subalit magbibigay-daan muna ang  Beermen, Hotshots at ang iba pang PBA teams sa ’the  best and brightest’ ng nagdaang season.

Bagama’t may injury, si Fajardo ay darating kung saan siya ang top choice para sa MVP trophy sa Leo Awards. Inaasahang makakasama niya sa Mythical First Five sina CJ Perez, Jayson Castro, Christian Standhardinger at isa kina Sean Anthony at Japeth Aguilar. Si Perez ay inaasahan ding mag-uuwi ng Rookie of the Year award.

Kabilang din sa  honorees ang mga mi­yembro ng PBA Board of Governors ng inaugural season, sa pangunguna nina president Emerson Coseteng ng Mariwasa, Walter Euyang (Universal Textile), Domingo Itchon (Elizalde and Co., Inc.), Leonardo “Skip” Guinto (San Miguel Corporation), Jose “Dondo” Lim III (Concepcion Industries, Inc.), Enrico Villaflor (Seven-Up Bottling Company), Porfirio Zablan (CFC Corp.), Pablo Carlos (Delta Motor Corp.) at Valeriano “Danny” Floro (P. Floro and Sons) at founding commissioner Leo Prieto.

Ang mga koponang pararangalan ay ang Toyota, Crispa, U-Tex, Mariwasa, Concepcion Industries, Royal Tru-Orance (San Miguel Corp.) ,Tanduay (Yco), Presto (Concolidated Corp.) at Seven-Up. CLYDE MARIANO

Comments are closed.