PANGKALAHATANG mapayapa ang paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day, ayon sa Philippine National Police (PNP) kahit pa milyon ang nagbiyahe at dumagsa sa mga sementeryo sa buong bansa.
“Generally peaceful and orderly,” ayon kay PNP Spokesman, BGen. Bernard Banac.
Unang idineploy ang 35,000 pulis para magbantay sa lahat ng sementeryo sa bansa kaugnay sa kanilang Ligtas Undas 2019.
Sa isinagawang security assessment ng PNP naging matiwasay ang paggunita ng mga Filipino sa mga yumaong mahal sa buhay nitong Todos Los Santos hanggang kahapon, Sabado, All Souls’ Day.
Dagdag pa ni Banac, na mananatili ang kanilang full alert status hanggang bukas, Nobyembre 4 dahil inaasahan ang pagbabalik ng maraming nag-uwian sa kani-kanilang mga lalawigan.
Bukod sa PNP, naging katuwang din sa maayos at mapayapang Undas ang Armed Forces of the Philippines- Joint Task Force–NCR at iba pang force multipliers para sa pagtiyak ng seguridad sa panahon ng Undas.
Samantala, sa Metro Manila, ipinagmalaki ni PNP-NCRPO chief BGen. Debold Sinas na personal na pinangasiwaan ng mga district director ang seguridad sa mga sementeryo sa loob ng kanilang areas of responsibility.
Sa report ng NCRPO, aabot sa 960,095 ang crowd estimate sa mga nagpunta sa mga sementeryo sa Metro Manila noong Biyernes lamang. VERLIN RUIZ
Comments are closed.