(All system go na ang AFP, PNP at PCG) ‘PROTECTOR’ NG BALOTA LUMARGA NA

LUMARGA na kahapon sa isinagawang joint send off ceremony ang puwersa ng gobyerno na tinaguriang “protector of the ballot” para idedeploy sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang tiyakin na magiging payapa, maayos at kapani paniwala ang gaganaping National and Local elections.

Ayon kay AFP chief of Staff General Andres Centino, all system go na sa hanay ng sandatahang Lakas para sa pagbibigay ng seguridad sa nalalapit na halalan.

Nakiisa ang AFP sa ginanap na send off kahapon sa Camp Crame kasama ang puwersang itinalaga ng Philippine National Police at Philippine Coast Guard, kasama rin ang mga kinatawan ng Commission on Election at Department of Education.

Bukod sa election duties, nakaalerto rin ang militar sa anumang uri ng banta sa araw ng halalan hanggang sa magbilangan ng boto at kaisa rin sila sa hangarin ng iba’t ibang sektor ng gobyerno na maging maayos, malinis, payapa at ligtas na eleksiyon.

Nakalatag na rin ang seguridad ng militar sa mga lugar na may mataas na banta lalo na sa mga local terrorist group bukod pa sa pagpapaigting na kanilang intelligence network at pagpapalakas ng mga itinatag na COMELEC checkpoint.

Nabatid na maging ang Philippine National Police ay nagtalaga ng karagdagang pulis sa 10 lugar sa Bangsamoro Region matapos isinailalim sa kontrol ng COMELEC ang mga bayan ng Buluan, Datu Odin Sinsuat, Datu Piang, Mangudadatu, Pandag at Sultan Kudarat sa Maguindanao; Marawi City at mga bayan ng Maguing, Malabang at Tubaran sa Lanao del Sur dahil sa banta ng karahasan ngayong eleksyon.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, kabilang sa kanilang idineploy, ang mga tauhan ng Special Action Force (SAF) at Mobile Force Battalion para ayudahan ang local troops sa area.
Partikular na binabantayan din ng PNP ang 106 na mga bayan at 14 na lungsod na napailalim sa ‘Red’ category.

Sinabi rin ni Fajardo na hinihintay nila ang pagdedeklara ng COMELEC ng mas maraming lugar sa kanilang kontrol dahil sa matinding tunggalian sa pulitika at pagkakaroon ng pribadong armadong grupo. VERLIN RUIZ