TINIYAK kahapon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi nila hahayaan ang anumang bantang pananabotahe sa incoming administration.
Inihayag ng DILG na ang kanilang ahensiya at iba pang security agencies ay isinapinal na ang inilatag na security preparation para sa PBBM inauguration kabilang rito ang mobilization ng nasa 6,200 police officers sa paligid ng National Museum sa mga susunod na araw.
Nabatid na maging ang Philippine Coast Guard (PCG) at kanilang mga tauhan at assets ay itinalaga na rin sa idaraos na inauguration ceremony ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Maynila.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio Abu, ipinag-utos ng DILG at DoTR sa PCG na suportahan ang ipatutupad na public safety at security measures sa unang araw ng administrasyong Marcos.
Nagde-deploy ang Coast Guard Fleet ng rigid hull inflatable boats, aluminum boats, at personal watercraft para mapalakas ang maritime patrol partikular sa area ng Manila Bay at Pasig River.
Humigit-kumulang 100 PCG security personnel ang itatalaga sa iba’t ibang strategic areas sa bisinidad kung saan isasagawa ang inagurasyon.
Magkakaroon din ng PCG land vehicles upang madagdagan ang road patrols para makatulong sa pagkontrol ng daloy ng trapiko sa Maynila.
Para naman sa public health and safety, bubuo ang Coast Guard Medical Service ng isang medical team na may dalang Coast Guard ambulance upang makapaghatid ng first aid at iba pang agarang medical assistance sa publiko.
“Rest assured that the PCG will work side by side with the Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), and other concerned government agencies to realize a safe, secure, and peaceful assumption of the 17th President of the Republic of the Philippines,” saad pa ng PCG Commandant.
Samantala, plantsado na rin umano ang ipapatupad na seguridad ng PNP National Capital Region Police Office (NCRPO) sa inagurasyon.
Ayon kay NCRPO Chief Major General Felipe Natividad, naisapinal na ang security preparation para masiguro na zero casualty maging anomang untoward incident sa panunumpa.
Tanging mga police at militar at ilang law enforcers na mayroong official duties na naka-uniporme ang awtorisadong magdala ng baril.
Ipinaalala naman ni NCRPO Public Information Officer (PIO) Lieutenant Colonel Jenny Tecson na hindi papayagan ang mga backpacks sa lahat ng VIP areas para masiguro ang kaligtasan ng bawat isa.
Ilang kalsada ay isasara na mayroong 1-kilometer radius at idineklara naman ang National Museum na no-fly zone para sa mga eroplano maging ng mga drones.
Mahigpit din ipatutupad ang gun ban simula alas-6:00 ng umaga ng Hunyo 27 at magtatapos ito dakong ala-6 ng gabi sa Hulyo 1.
Inabisuhan naman ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta dahil asahan na raw ang mabigat na daloy ng trapiko partikular sa mga kalsadang patungo sa National Museum.
Sa pangkalahatan ay all system go na para sa ikinasang seguridad sa araw ng opisyal na panunumpa. VERLIN RUIZ