HANDA na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa homecoming parade para sa 2024 Paris Olympics medalists at mga atleta bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang tagumpay sa katatapos na international sporting event.
Kabuuang 300 tauhan ng MMDA ang ipakakalat para sa event kabilang ang traffic enforcers at street sweepers na titiyak sa kaayusan at kalinisan ng parada.
Ang parada ay magsisimula ngayong alas-3 ng hapon mula sa Aliw Theater at magtatapos sa Rizal Memorial Sports Complex.
Ang magiging ruta ay mula V. Sotto (Aliw Theater), kaliwa sa Roxas Blvd., kanan sa P. Burgos Avenue, diretso sa Finance Road kanan sa Taft Ave., kanan sa Pres. Quirino Ave., kaliwa sa Adriatico St. at kaliwa sa Rizal Memorial Sports Complex.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Don Artes na mabibigyan ng sapat na panahon ang publiko upang makita sa homecoming parade ang Olympic medalists na sina Carlos Yulo, Nesthy Petecio, at Aira Villegas gayundin ang iba pang Olympic athletes.
Ipapatupad naman ng MMDA ang stop-and-go traffic scheme kung saan ang float na lulan ang Philippine Olympians ay magkakaroon ng probisyon para sa rain cover kung sakaling bumuhos ang malakas na ulan.
Sinabi ni Artes na ang homecoming parade ay isang selebrasyon ng tagumpay para parangalan ang mga Olympic athletes.
Magkakaroon ng selebrasyon at kasabay nito ang pagpupugay sa mga atleta na nagsumikap nang husto upang makamit ang makasaysayan at pambihirang tagumpay sa Olympics.
CRISPIN RIZAL