IT’S all systems go.
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno kaugnay ng programa sa bakuna kontra COVID-19 kasabay ng pag-anunsiyo ng pormal na pagbubukas ng vaccine storage facility para sa COVID vaccines sa Sta. Ana Hospital ngayong araw.
Ani Moreno, natanggap na nilang ang newly-delivered freezers para sa Pfizer COVID-19 vaccines kung saan kumpleto na ang storage units na kailangan para ma-accommodate ang lahat ng uri ng bakuna na available sa merkado.
“So, lahat ng vaccines meron na tayong ref and storage facility sa Manila,” ayon kay Moreno na idinagdag din na may kakayahan na ang lungsod na mag-imbak ng lahat ng uri ng bakuna dahil na-meet ng bagong storage facility ang lahat ng required temperature para maayos na paglagyan ng bakuna.
Ayon kay Moreno, mayroon ng 12 ultra-low temperature freezers sa nasabing storage facility sa 7th floor ng Sta. Ana Hospital at tanging bakuna na lang ang kulang para para tuluyan nang gumulong ang programa sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Sa kabuuan, ayon sa alkalde ay kayang mag-accommodate ng 800,000 doses ng kahit na anong uri ng bakuna ang storage facility.
Nakipagpulong na rin sina Moreno at Lacuna sa lahat ng concerned officials at personnel ng Sta. Ana Hospital at Manila Health Department upang maplantsa na ang gagampanang tungkulin ng bawat isa sakaling magbukas na ang storage facility at dumating na ang bakuna.
Sinabi ng alkalde na may 300 indibidwal ang gagamitin ng pamahalaang lungsod upang siyang magturok ng libreng bakuna sa lahat ng may gusto.
Nabatid din na may 11 closed circuit television (CCTV) cameras ang inilagay sa loob ng 100-square-meter area at ang freezer units ay mayroong uninterrupted power supply (UPS) na magbibigay dito ng 10 hanggang 15 minutes lead time kung sakaling may brownout at bago gumana ang generators.
Samantala, inilunsad ni Moreno ang COVID-19 Food Security Program (FSP) ng lungsod na magbibigay sa may 700,000 pamilya ng buwanang food subsidy na kinabibilangan ng rice, coffee at canned goods.
VERLIN RUIZ
Comments are closed.