PUMALO sa P1.26 trillion ang investment projects na inaprubahan ng Philippine Board of Investments (BOI) noong 2023.
Ang numero ay mas mataas ng 73 percent kumpara noong 2022, at nahigitan ang initial P1.151 trillion Program Expenditure Classification (PREXC) target sa IPA-approved investments para sa FY 2023 at ang P995.59 billion target para sa BOI foreign at domestic investment approvals.
Sa isang update hanggang December 18, iniulat ng BOI na umabot sa trillion-peso mark na may P1.16 trillion ang approved investments. Ang karagdagang P100 billion investments sa pinakahuling iniulat na P1.26 trillion ay naitala kasunod ng BOI Board at Mancom deliberations noong December 28.
“This achievement surpasses our initial optimism when we set a target of Php1.151 trillion. To far exceed this mark, reaching Php1.26 trillion, is a clear testament to the growing confidence investors place in fostering their businesses’ growth within the Philippines,” pahayag ni Trade Secretary at BOI Chairman Alfredo Pascual.
Ang 2023 milestone, na kinabibilangan ng 311 proyekto, ay nagtala ng 28 percent na pagtaas mula noong 2022. Karamihan sa mga proyekto ay nakasentro sa renewable energy, telco infrastructure, at sa export ng copper, gold, at iba pang metals. Kapag ganap nang naging operational, ang mga proyekto ay inaasahang lilikha ng 49,030 trabaho para sa mga Pilipino.
Ang Renewable Energy and Power sector ang top performing sector na may P987.12 billion, tumaas ng 141 percent mula sa P409.02 billion noong 2022. Pumangalawa ang Information and Communication sector, na nakakuha ng kabuuang P96.04 billion na approvals, kasunod ang Mining na may P79.19 billion, Manufacturing na may P22.05 billion, at Infrastructure (Toll Roads) na may P21.47 billion na investments.
Nagtala naman ang foreign investment approvals ng 455-percent spike na may P766.97 billion, mula P138.18 billion noong 2022. Binigyang-diin ang commitment ng pamahalaan sa pag-akit ng FDIs sa bansa, ang foreign investments ay may 61-percent share ng total approved investments.
Ayon sa BOI, ang Germany ang top source ng foreign investments para sa 2023, na may P393.28 billion. Sumunod ang Netherlands (P333.61 billion), Singapore (P21.45 billion), United States (P3.55 billion), at British Virgin Islands (P2.13 billion).
Samantala, ang domestic investment approvals ay umabot sa P493.23 billion, na may 39-percent share sa total approved investments.
Ang Western Visayas ang top recipient ng investments sa P316.89 billion, na nagtala ng 4,663-percent increase mula 2022.
Pumangalawa ang CALABARZON na may P222.76 billion, habang kinumpleto ng Bicol Region (P162.92 billion), Eastern Visayas (P128.62 billion), at Ilocos Region (P122.18 billion) ang listahan ng top five regions.
“The surge in approved investments in 2023, particularly in foreign investments, aligns with BOI’s strategic efforts to bring in more economic activities in the country as part of the investment promotion initiatives of the Make It Happen in the Philippines campaign. As we close this exceptional year, we are confident that the momentum gained will propel us even further in 2024,” ani Trade Undersecretary and BOI Managing Head Ceferino Rodolfo.