PERMANENTENG diskuwento sa pamasahe, dapat nang ibigay sa mga estudyante.
Ito ang iginigiit ni Senator Sonny Angara sa kanyang panawagan sa Mababang Kapulungan na aprubahan na ang bersyon nito kaugnay ng Senate Bill 1597 na lumusot na sa Senado noon pang Oktubre nang nakaraang taon.
Mababatid na matapos aprubahan ng senado ang kanilang bersyon ng naturang panukala, nananatili namang nakabimbin sa Lower House ang sarili nilang bersyon.
“Nananawagan tayo sa mga kasamahan nating kongresman na sana’y ipasa na ito sa lalong madaling panahon upang mapagtibay na ni Pangulong Duterte. Malaking ginhawa ito sa mga mag-aaral at sa bawat pamilyang Filipino. Ito po ang pagkakataon natin para masigurong tuloy-tuloy ang diskwento sa pamasahe ng mga mag-aaral na talaga namang malaking kabawasan sa mga gastusin sa kanilang pag-aaral,” ani Angara.
Oktubre nang nakaraang taon, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa sa Senate Bill 1597 ni Angara na naglalayong gawin nang perma-nente ang fare discount anumang araw sa buong taon.
Nauna rito, nagpalabas ng memorandum circular ang LTFRB noong Oktubre 2017, na nagpapatupad ng 20-percent fare discount sa mga mag-aaral mula Lunes hanggang Linggo, at maging sa mga holiday at summer break.
May karampatang parusa sa mga lalabag sa batas na ito tulad ng P5,000 multa sa unang pagkakamali; P10,000 sa second violation kaakibat ang pag-impound sa behikulo ng violator at P15,000 multa at kanselasyon sa franchise sa pangatlong opensa.
“Posibleng kayang hindi siniseryoso ng mga kinauukulan ang pagpapatupad ng student fare discount dahil base lamang ito sa memorandum circular ng LTFRB. Ang kailangan natin dito ay batas para masiguro na ang 20-percent discount para sa mga mag-aaral ay mananatili kahit sino pa ang mga nakaupo sa LTFRB,” pagdidiin ni Angara.
Sa sandaling maisabatas ang panukalang ito, lahat ng mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo, gayundin ang mga estudyante sa techvoc schools ay makikinabang sa 20 percent fare discount. Magagamit nila ito sa bus, jeep, taxi, tricycle, TNVS, MRT, LRT at maging sa pamasahe sa ero-plano at barko.
“Ang matitipid nila sa pamahase, maaari pa nilang maipon at maigastos sa iba pang mga pangangailangan sa paaralan. Lagi nating sinasabi na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Gawin natin itong makatotohanan. Ibigay natin sa kanila ang lahat ng karapat-dapat na tulong at suporta,” dagdag pa ni Angara. VICKY CERVALES
Comments are closed.