LALABAN muli ang award-winning actor na si Allen Dizon sa isang international film festival. In competition kasi ang movie niya na “Alpha, The Right To Kill” under Direk Brillante Mendoza sa 66th San Sebastian International Film Festival sa Spain.
“Sarap ng pakiramdam dahil marami ang makapanonood. Marami ang mga festival na pwedeng salihan, saka at least, may magre-release ng movie namin sa ibang countries,” lahad ni Allen nu’ng makausap namin siya sa press conference ng “Alpha” na ginanap sa Director’s Club sa SM Megamall.
Wala pa raw siyang ideya kung sino-sino ang makakalaban niya for Best Actor sa festival.
“Mapasama sa abroad okey na, e. Mapasama sa mga festival masaya na ako. ‘Yung pagkapanalo sa festival bonus na sa akin ‘yun. Pero excited pa rin ako syempre. First time ko sa San Sebastian. Iba rin kasi ‘yung audience, ‘yung culture, ‘yung jury doon.”
Hindi lang daw tungkol sa drugs ang tema ng “Alpha” at ibang-iba sa mga pelikulang sunod-sunod na naglabasan na may kaugnayan sa illegal drugs.
“Dito pinakita ‘yung operation kung paano ‘yung mga malalim pa sa mga pinapakita nila about drugs. Dito kung ano talaga ‘yung nangyayari na talamak, na kurap na pulis. Paano nila binebenta ‘yung drugs na nakukuha nila kapag nari-raid sila, mga ganoon.”
Samantala, umani ng magandang reviews ang episode ni Allen with Meryll Soriano sa “Maalaala Mo Kaya” na ipinalabas last Saturday.
Na-meet daw niya ng personal ‘yung karakter niya sa programa ni Charo Santos sa taping. Hindi makapaniwala si Allen na may lalaking tulad niya na martir kung magmahal sa asawa.
“Meron talagang ganoon e. Siguro kung mahal ko talaga asawa ko tatanggapin ko pa rin. Ginagawa naman niya ‘yun, hindi naman niya kasalan ‘yun, ‘di ba? Kasalanan ko nga ‘yun, e. Pinabayaan ko siyang umalis. Wala na siyang pag-asa kundi umalis na lang,” saad pa ni Allen.
BARON GEISLER MAY PROYEKTO KAHIT NAKAREHAB
Samantala, sa “Alpha,” pa rin, kasama rin sa movie ang international award-winning actor na si Allen Dizon kasama sina Baron Geisler at Elijah Fil-amor. So, ‘di true na walang trabaho si Baron, huh.
“Baka kasi nasa ano siya, nagre-rehab siya ‘di ba? Ginawa niya ang movie namin bago siya umalis (for rehab). Pero nagko-communicate naman kami, madalas,” say ni Direk Brillante.
Okey naman daw si Baron sa rehab ayon kay Direk Brillante. Wala naman daw siyang problema kay Baron kapag nagsho-shooting sila.
“Hindi ko na kukunin ‘yan kung may problema ako. Okey naman siya. Siguro it’s how you deal with the person, ‘no. Minsan it’s how you deal with them, E, kumbaga, kapag nand’yan siya, siguro professional ‘yung ano namin talaga, ‘yung trato. I mean, you respect the actor. You respect them as a person,” esplika niya.
Pinagbawal daw ni Direk Brillante sa set ang alak.
“Sabi ko sa kanya, ‘Baron, bawal uminom sa set. Ayaw ko’ng may umiinom sa set.’ Kasi wala namang umiinom sa set. Hindi kami allowed and we don’t have time to do that kasi sa set pagdating mo, trabaho talaga. Kaya maaga kami napa-pack-up. Hindi kami nagmamadaling araw,” say pa niya.
Comments are closed.