MATAPANG ang mga pelikulang ginawa ng multi-awarded at internationally acclaimed actor na si Allen Dizon kay Direk Brillante Mendoza.
Ang una ay ang “Amo” na isang Netflix series at ang ikalawa ay ang “Alpha: The Right To Kill” kung saan ginagampanan niya ang role ng isang corrupt na pulis.
Sa dalawang pelikula, pareho itong sumesentro sa laban ng gobyerno kontra sa droga.
Pero kung may isa mang role na hindi pa nagagampanan si Allen sa kanyang entire acting career, ito ay ang papel ng isang drug addict.
“Actually, hindi ko pa siya nagagawa. Gusto ko siyang gawin at sa palagay ko, sobrang challenging siya,” pakli niya.
Proud naman si Allen sa isa pa niyang kolaborasyon kay Direk Brillante Mendoza na “Maguindanaw” kung saan kapareha niya si Judy Ann Santos.
Tapos na rin niyang gawin ang “Persons of Interest” ni Ralston Jover na nakatakdang isali sa isang prestihiyosong international filmfest.
Abala rin siya sa “Latay” kung saan binibigyang buhay niya ang role ng isang battered husband.
Hindi man nakapasok sa 2018 MMFF ang “Alpha: The Right to Kill”, positibo naman si Allen na maipalalabas ito sa first quarter of 2019.
JACLYN JOSE AT HOME NA SA COMEDY
KILALA si Jaclyn Jose bilang isang magaling na dramatic actress.
Siya rin ang kauna-unahang Asyano na nanalo ng Cannes Best actress para sa pelikulang “Ma Rosa” ni Brillante Mendoza.
Marami rin ang napabilib nang gawin niya ang pelikulang “Patay na si Jesus” kung saan ipinakita niya ang galing sa pagpapatawa.
Nasundan pa ito ng ilang comedy shows na ginawa niya sa bakuran ng GMA7 tulad ng “A-1 Ko sa Iyo” at “Pamilya Roces”
“Actually, nasasanay na rin ako sa comedy. Hindi siya mahirap gawin pero nae-enjoy ko siya,” aniya.
Muli na namang sasabak sa pagpapakuwela ang premyadong aktres sa filmfest entry na “Fantastica” kung saan ginagampanan niya ang role ni Fek, ang nanay ni Vice Ganda.
“Actually, masarap kabatuhan ng linya si Vice. Marami kang matututunan sa kanya lalo na pagdating sa pag-improvise sa pagde-deliver ng punchlines,” hirit niya.
Dagdag pa niya, hindi raw naman nakababawas ng respeto sa estado niya bilang tinitingalang internationally- acclaimed award winning actress ang paglabas sa mga pelikulang komedyang hindi pang-award tulad ng “Fantastica”.
“Okey lang siya sa akin, para maiba naman,” pagtatapos niya.