MATATANGGAP na ng national athletes sa team sports ang nalalabing 50 percent ng kanilang June at July allowances at patuloy na makakakuha ng full allowance hanggang Disyembre.
Kasama ang iba pa sa Team Philippines, tatanggap din sila ng ‘special amelioration package’ mula sa pamahalaan.
Mabibiyayaan ang 199 athletes at 39 coaches na nabibilang sa walong team sports: aquatics-water polo, baseball, dragonboat, handball, ice hockey, softball, underwater hockey, at volleyball.
Pinasalamatan ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Butch Ramirez ang Kongreso, Senado at si Presidente Rodrigo Duterte sa pagsama sa national team sa saklaw ng Republic Act No. 11494.
“A community coming together really makes a whole lot of difference,” pahayag ni Ramirez, tinukoy ang tulong ni Philippine Olympic Committee (POC) President at Rep. Abraham Tolentino sa pagkuha ng pondo para maibalik ang 50 porsiyentong tapyas sa allowances ng national team.
Ang allowances ng team sports ay limitado ng ilang buwan bago at matapos ang isang major international competition tulad ng Asian Games o Southeast Asian Games dahil sa malaking budget na kinakailangan nito.
Gayunman, matapos ang overall championship ng Team Philippines sa 30th SEA Games, inaprubahan ng PSC Board ang extension ng allowances hanggang Hulyo ng taong ito. At ngayong nahaharap sa krisis ang bawat isa, inaprubahan ng sports agency na ipagpatuloy ito hanggang katapusan ng taon at isinama ang team sports sa budget mula sa Bayanihan Act 2.
Kinumpirma ng PSC ang pagtanggap sa P180 million sa ilalim ng Bayanihan Act 2. Inaasahang maipamamahagi ang pondo sa unang linggo ng Disyembre. CLYDE MARIANO
Comments are closed.