ALMA NG MGA DRAYBER

MASAlamin

ALAM n’yo po ba, mga kamasa, na nasa P400 bilyon ang buwis na nagmumula sa land-based transport sector? Ito ‘yung mga dyipni, traysikel, taxi at bus na nagseserbisyo sa ating mga kababayan sa araw-araw.

Ang land-based transport sector ay partner ng bansa sa pag-unlad, sapagkat sila ang naghahatid sa mga manggagawa sa kani-kanilang pinapasukang mga trabaho araw-araw. Kung wala ‘yang sektor na ‘yan ay mapaparalisa ang ekonomiya ng buong bansa. Ganyan sila kahalaga.

Sa ibang bansa ka­tulad ng Singapore ay malaking porsiyento ng binabayarang buwis ng sektor na ito ay ibinabalik din sa kanila ng kanilang pamahalaan bilang suporta sa kanilang sektor at para sa patuloy na modernisasyon ng kanilang sektor, na bukod sa pagbili ng mga makabagong sasakyan para sa kanilang public transport ay upgrading din ng mga skill ng mga pumapaloob sa sektor. Lumilikha rin ito ng libo-libong trabaho sa transport sector taon-taon.

Itong pondo rin na ito ang umaalalay sa pangangailangang pangkalusugan ng mga  mang­gagawa sa sektor na ito, edukasyon para sa kanilang mga anak, pabahay, insurance, retirement benefits at marami pang iba.

Sa Filipinas, umaabot nga sa P400 bilyon ang buwis ng sektor na ito na mula sa kanilang pagkonsumo ng gasoline, diesel at spare parts. Sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nagkaroon ng subsidy ang mga drayber ng public transport sa form ng fuel subsidy. Ngunit ikumpara mo ito sa P50 bilyon na subsidy para sa MRT at LRT na nagseserbisyo lamang sa may isang milyong Filipino araw-araw ay mukhang kapos ito. Sa 40 milyong Filipino kasi na bumibiyahe araw-araw ay nasa pitong milyon ang sineserbisyuhan ng mga dyipni, pitong beses na mas marami kaysa mga pasahero ng LRT at MRT. At magkano lamang naman ang ibinabayad na buwis ng LRT at MRT sa gobyerno kumpara sa P400 bilyon ng land public transport katulad ng dyipni, traysikel at bus.

Ito ay sinabi na rin ng aming editorial kamakailan: “Kinakailangang lumikha ng batas na magbibigay sa kanilang sektor ng anim hanggang walong porsiyentong suporta na makagagarantiya ng pang-araw-araw nilang pangangailangan, edukasyon ng kanilang mga anak, bihis at pabahay at suporta para sa mo­dernisasyon ng kanilang sektor.”

Comments are closed.