MAGBABALIK si Oliver Almadro sa Letran.
Umaasang mawakasan ang decade-long disappointment sa women’s volleyball, ang Letran ay sasandal sa alumnus nitong si Oliver Almadro upang magtagumpay ang kanilang programa.
Ang kaganapan ay kinumpirma ng athletic director ng Letran na si Fr. Vic Calvo noong Biyernes ng gabi.
Pinalitan ni Almadro, na siya ring kasalukuyang mentor ng Premier Volleyball League club PetroGazz, si Mike Inoferio, na hinawakan ang koponan ng tatlong seasons.
Ang appointment ni Almadro ay makatutulong sa Lady Knights, na kinapos para sa isang semifinals slot sa NCAA Season 98 makaraang tumapos sa ika-5 puwesto na may 5-4 kartada.
Si Cha Cuñada, pinangunahan ang Letran sa pagputol sa 20-year championship drought sa beach volleyball, ay nag-graduate na at kasalukuyan nang nasa PVL club Chery Tiggo.
Labing-isang taon na ang nakalilipas nang huling makapasok ang Lady Knights sa Top 4. Ang Letran ay umabot sa Finals noong 2012, subalit winalis ng University of Perpetual Help System Dalta.
Ang pinakahuling championship ng Lady Knights ay noong 1999 kung kailan nanalo sila ng dalawang sunod.
Si Almadro ay nag-aral sa Muralla-based institution mula 1995 hanggang 1998, at pagkatapos ay pumasok sa coaching.
Ang kanyang high moments ay sa Ateneo, kung saan iginiya niya ang men’s team sa three-peat mula 2015 hanggang 2017, at ang 2019 women’s championship sa UAAP.
Iniwan ni Almadro ang Blue Eagles noong nakaraang July matapos ang sixth place finish sa Season 85. Pinalitan siya ni Brazilian coach Sergio Veloso.